MANILA, Philippines – SINABI ng Federation of Free Farmers Cooperatives na dapat ay makatwiran at hindi masyadong mababa ang planong SRP ng bigas, ito’y bilang tugon sa plano ng Agriculture Department na magpataw ng suggested retail price sa bigas.
Habang ang mababang SRP ay hindi agad makakaapekto sa mga magsasaka, ang mga posibleng kahihinatnan ay maaaring makaapekto sa kanila sa susunod na pag-aani.
“Although, right now, hindi maaapektuhan ang farmers, pagdating sa next harvest season babawi ang mga trader,” paliwanag ng Federation of Free Farmers Cooperatives National Manager Raul Montemayor sa panayam ng GMA News.
“Yung farmer ang kawawa. Babawiin ng mga trader yung loses nila by buying palay at a low price.”
Samantala, sinabi ng Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG), na maaaring makaapekto ang SRP sa pag-aangkat ng bigas.
“Ang daigdigang presyo ng bigas eh talagang mataas,” ayon sa SINAG President Rosendo So.
“Itong February kasi, more or less, majority ng nasa merkado niyan is sabihin natin aabot ng 50% to 60% eh yung imported na nandoon sa merkado.”
“So kung yun ang gagawin mo, baka hindi makapasok yung mga importer dahil yung pag-angkat nila sa Vietnam and Thailand mataas ang presyo,” pagpapatuloy niya.
Nauna nang ipinaliwanag ng DA na magpapataw sila ng SRP para matiyak na abot-kaya ang presyo ng bigas para sa mga mamimili at nangakong ikokonsulta nila ang mga stakeholder sa usapin. Santi Celario