Home METRO Planta sa Pampanga ipinasara; 4 opisyal arestado

Planta sa Pampanga ipinasara; 4 opisyal arestado

6
0

PAMPANGA, Philippines – Ipinasara ng National Bureau of Investigation (NBI), sa tulong ng pulisya, ang Chuangxing Steel Incorporated sa Barangay Navaling, Magalang, Pampanga noong Hulyo 18 at inaresto ang tatlong Chinese executives at isang Filipino company official.

Pinaghihinalaang gumagawa ang planta ng mga substandard na bakal na hindi pumapasa sa Philippine national standards, bukod pa sa umano’y paglabag sa mga batas pangkalikasan.

Dahil sa pagsasara ng planta, apektado ang humigit-kumulang 300 manggagawa.

Kinumpirma ni Magalang Mayor Maria Lourdes Lacson ang pagsasara ng planta at sinabi na bagama’t bukas ang bayan sa mga negosyo at pamumuhunan, dapat pa ring sumunod ang mga ito sa mga batas ukol sa kapaligiran at proteksyon ng mamimili.

Nahaharap ang apat na opisyal ng kumpanya sa mga kasong paglabag sa Consumer Act of the Philippines, Philippine Clean Air Act, at Toxic Substances and Hazardous and Nuclear Wastes Control Act of 1990.

Noong Agosto 2024, nagbabala ang Philippine Iron and Steel Institute (PISI) tungkol sa mga substandard steel bars na ibinebenta sa ilang lugar sa Central at Northern Luzon. Isa ang Chuangxing Steel sa limang kumpanyang itinurong umano’y gumagawa ng mga ito.

Hinikayat din ni Lacson ang mga opisyal ng munisipyo at barangay na iulat ang mga planta at bodega na posibleng lumalabag sa batas at nagdudulot ng panganib sa kalikasan at kalusugan ng publiko.

Hanggang Martes, wala pang pahayag ang NBI kung iimbestigahan din ang mga lokal na opisyal kaugnay ng operasyon ng planta. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here