MANILA, Philippines – All set na ang preparasyon para sa pagsasagawa ng plebsitio para ratipikahin ang pagtatag ng tatlong bagong barangay sa Marawi, Lanao del Sur, ayon sa Commission on Elections (Comelec).
Sa command conference nitong Biyernes, ang mga kwalipikadong botante ng Barangay Dulay Proper, Kilala and Patani ay papayagang magdesisyon sa pagtatag ng bagong Barangays Sultan Corobg, Sultan Panarganan at Angoyao sa pamamagitang ng halalan ngayong Sabado, Marso 9,2024.
“Pagka na-create yung tatlong barangays, wala pang opisyal pa sa kasalukuyan. In the meantime, nasa Local Government Code naman na pagka nagkaroon ng creation ay maaaring mag-appoint muna ang ating mayor ng kanilang [officer-in-charge] para sa barangay na yan, maliban na lang kung may nakalagay doon sa mismong ordinance tungkol sa kung paano yung sa transition,” ayon kay Comelec chairman George Garcia sa press conference.
Aniya ang importante ay mayroon isang hiwalay na political entity na mamamahla sa mismong barangay at magkakaroon ng regular na budget at magkakaroon ng regular na konseho.
Ayon sa Local Government Code Section 385 -386 ng Pilipinas, ang isang barangay ay maaring likhain, hatiin, pagsamahin, buwagin o ang hangganag nito ay lubos na baguhin sa pamamagitan ng isang ordinansa ng Sangguniang Panlalawigan o Sangguniang panglungsod, napapailalim sa pag-apruba ng mga boto sa isang plebisito na pinangunahan ng Comelec.
Maari naming likhain ang mga barangay kung ang nagdeklara ang National Statistics Office ng isang lugar na mayroong hindi bababa sa 2,000 na ninirahan, o hindi bababa sa 5,000 sa Metro Manila at iba pang mga lugsod ng metropolitan sa kondisyon na ang paglikha ay hindi bawasan ang populasyon ng mga orihinal na barangay sa mas mababa sa kinakailangang bilang ng naninirahan.
Ayon kay Garcia, sa Bangsamoro ay may kakapasa lamang na government code ngunit hindi batid kung ano ang probisyon.(Jocelyn Tabangcura-Domenden)