MANILA, Philippines- Tutulong ang Department of Justice (DOJ) sa Philippine National Police (PNP) sa pagrepaso sa mga kasong naisampa sa korte ngunit nabasura kalaunan.
Ito ang tiniyak ni Justice Secretary Jesus Crispin C. Remulla matapos ihayag ni PNP Spokesperson Col. Jean Fajardo na bubuo ang PNP ng mga komite para irebyu ang mga na-dismiss na mga kaso.
Inatasan na ni Remulla ang mga prosecutor na tulungan ang PNP sa case build-up upang masiguro na magagawa ang lahat ng paraan para maitama ang mga hindi nagawa.
Sinabi ni Fajardo na ang PNP officers na humawak sa dismissed cases ay sasailalim sa refresher courses para mapaigting ang kanilang kakayahan habang ang mga itatalaga bilang imbestigador ay dapat nagtapos ng kursong may kaugnayan dito o nakahawak na ng mga kaso na matagumpay na nahatulan sa korte.
“The DOJ will collaborate with the PNP to bridge the gaps.”
Bukas din ang DOJ sa naging hakbang ng PNP na bumuo ng mga komite upang pag-aralan muli ang mga na-dismiss na kaso. Teresa Tavares