Nagbabala ang Philippine National Police-Anti-Cybercrime Group (PNP-ACG) sa publiko na huwag magpakalat ng maling impormasyon laban sa mga kandidato sa darating na pambansa at lokal na halalan.
Ayon kay PNP-ACG spokesperson Lt. Wallen Mae Arancillo, nakapaghanda na sila ng mga estratehiya para matukoy ang mga pekeng account na ginagamit sa paninira at kasalukuyang iniimbestigahan ang isang account, habang tatlong kaso pa ang nakatakdang ihain sa piskalya.
Kabilang sa mga kasong ito ang mga opisyal mula sa Ilocos Region, Western Visayas, Northern Mindanao, at Caraga—dalawang mayor, isang board member, at isang kapitan ng barangay. Ang mga reklamo ay may kinalaman sa pagbabanta at mapanirang-puring mga pahayag.
Sinabi rin ni Arancillo na nakakuha na sila ng cyber warrants para matukoy ang tunay na pagkakakilanlan ng mga nasa likod ng mga pekeng account.
Hinimok niya ang publiko na iwasang magbahagi ng hindi beripikadong impormasyon upang hindi masangkot sa kaso, at ipinaalala na ang pagpapakalat ng pekeng balita ay may kaakibat na parusa sa ilalim ng batas.
Nagsimula ang kampanya para sa pambansang halalan noong Pebrero 11, habang ang lokal na kampanya ay magsisimula sa Marso 28. Mahigit 18,000 posisyon ang paglalabanan sa May 12 mid-term elections. Santi Celario