Home NATIONWIDE Sistema ng OTS rerepasuhin kasunod ng ‘tanim-bala’ incident

Sistema ng OTS rerepasuhin kasunod ng ‘tanim-bala’ incident

MANILA, philippines – Magsasagawa ang Office for Transportation Security (OTS) ng pagsusuri sa kanilang mga sistema at proseso, kabilang ang sistema ng promosyon ng mga kawani, matapos ang isang insidente sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Ayon kay OTS administrator Arthur Bisnar, ang reklamo ng 69-anyos na pasaherong si Ruth Adel tungkol sa umano’y “tanim-bala” noong Marso 6 ay naglantad ng mga pagkukulang sa kanilang mga pamamaraan.

Ayon kay Adel, sinabihan siya ng mga airport screener na may bala sa kanyang bag, ngunit nagbigay ang mga ito ng magkakaibang pahayag, nagtawanan, at sinubukang itago ang kanilang name tags nang mapansing sila ay kinukunan ng video.

Inamin ni Bisnar na nagkaroon ng pagkaantala sa pag-detect ng hinihinalang ipinagbabawal na bagay at maling pagtrato sa pasahero, na malinaw na paglabag sa tamang proseso.

Kasunod ng insidente, nakipagpulong si Bisnar sa mga pinuno ng terminal sa buong bansa upang tiyakin na ang mga empleyadong gumagawa ng tama ay makatatanggap ng suporta mula sa OTS at Department of Transportation (DOTr).

Kabilang sa mga hakbang para mapataas ang morale ng mga empleyado ang pagbibigay ng pagkilala, pag-award ng mga sertipiko o medalya, pag-hire ng karagdagang tauhan, at pagsasaayos ng sistema ng promosyon.

Binigyang-diin din niya ang kaso ng isang empleyado sa Iloilo na naglingkod ng 30 taon ngunit nananatili sa salary grade 4 — isang isyung nais solusyunan ng OTS sa pamamagitan ng pagsusuring ito. RNT