MANILA, Philippines – Nakahanda ang Philippine National Police (PNP) na ipatupad ang posibleng arrest warrant laban kay Senador Jinggoy Estrada kahit pa ilagay siya sa protective custody ng Senado.
“If there is a warrant to arrest, we will have to implement it. I think we will have to follow the order of the court,” sinabi ni Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) chief Police Major General Robert Alexander Morico II sa press briefing.
Nag-isyu si Morico ng pahayag nang tanungin tungkol sa posibleng maging aksyon ng PNP sa oras na ilagay si Estrada sa protective custody ng Senado kapag nailabas na ang arrest warrant laban sa senador.
Sinabi naman ni Nartatez na ang implementasyon ng arrest warrant ay naka-depende sa nature ng offense at angkop na batas sa legislative immunity.
Aniya, ang mga mambabatas ay protektado mula sa pag-aresto habang ang mataas na kapulungan ay nasa sesyon para sa mga kasong may parusang pagkakulong na hindi lalampas ng anim na taon.
Noong Biyernes ay naglabas ang Sandiganbayan Second Division ng arrest warrant laban kay Estrada sa graft case kaugnay sa umano’y kickback sa flood control prpoject.
Nagbayad siya ng P90,000 piyansa para sa kanyang provisional freedom at itinanggi ang mga alegasyon.
“Mariin kong itinatanggi ang mga paratang laban sa akin. Ang mga ito ay walang batayan at walang bahid ng katotohanan. I respect the rule of law and our judicial institutions, and this is precisely why I am posting bail and personally submitting myself to the jurisdiction of the Sandiganbayan,” ani Estrada.
Posible naman mag-isyu ng arrest warrant ang Sandiganbayan Fifth Division laban kay Estrada para sa P573 milyon na non-bailable plunder case. RNT/JGC