ECHAGUE, Isabela – Nagbabala ang Isabela Police Provincial Office (IPPO) sa publiko na ang pagpapakalat ng bomb threats ay hindi biro, kundi isang seryosong krimen na may kaukulang parusa sa ilalim ng Presidential Decree 1727.
Puspusan ang pamunuan ni PCol. Lee Allen B. Bauding, Provincial Director ng IPPO ang pagtukoy sa mga nagpapakalat ng bomb threats sa ilan mga eskwelahan.
Labis na ikinalulungkot ng kanilang tanggapan ang sunod-sunod na insidente ng bomb threats sa malalaking paaralan sa lalawigan dahil sa naantala at naabala ang pag-aaral ng mga estudyante.
Kung kayat patuloy ang pagsisikap ng IPPO na matukoy ang nasa likod ng mga insidente sa tulong ng PECU (Provincial Explosives and Canine Unit).
Bilang tugon, puspusan ang symposium na isinasagawa ng IPPO sa mga paaralan upang bigyan ng kaalaman ang mga mag-aaral sa tamang pag-uugali at pagresponde sa bomb threat scenarios.
Sa ngayon, wala pang natutukoy na suspek dahil kadalasang gumagamit ng dummy o fake accounts ang mga nagpapadala ng banta. Bilang karagdagang hakbang, plano ng IPPO na humingi ng tulong mula sa Barangay Peacekeeping Action Teams (BPATS) at iminungkahi rin ang pagdaragdag ng CCTV cameras sa mga eskwelahan.
Hinikayat ang mga school administrators na magsagawa ng internal meetings kasama ang kanilang mga tauhan upang matukoy at matugunan ang mga ganitong insidente.
Batay sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya ay may personal na hinanakit sa mga guro o sa mismong institusyon na may banta ng bomb threat. Rey Velasco