MANILA, Philippines – Ayon sa Philippine National Police (PNP), ipinadala na ang mga intelligence at tracker teams para sa may-ari ng St. Timothy Construction na si Sarah Discaya at iba pang sangkot sa “ghost” flood control project sa Davao Occidental.
Sinabi ni PNP Chief Jose Melencio Nartatez, Jr. na nakikipag-ugnayan na rin ang pulisya sa ibang ahensya habang naghahanda para sa issuance ng warrants of arrest laban sa mga suspek. Kasama rin sa paghahanda ang pagkolekta ng impormasyon kung saan maaaring magtago ang mga suspek.
Inalerto rin ang barangay at neighborhood watch groups para mag-report ng mahahalagang impormasyon. Hinihikayat ni Nartatez ang publiko na makipagtulungan sa awtoridad upang masiguro ang accountability at proteksyon ng pampublikong pondo.
Noong Biyernes, nagsampa ang Ombudsman ng graft at malversation cases laban kay Discaya, mga opisyal ng public works, at iba pa, kaugnay ng ₱96.5 milyon na “ghost” flood control project. Ayon kay Ombudsman Jesus Crispin Remulla, kasalukuyang nasa Pasig City at under surveillance si Discaya.
Sa nakaraang operasyon, siyam sa 16 personalidad na sangkot sa anomalya sa flood control projects sa Oriental Mindoro ay naaresto na, at inaasahang maglalabas pa ng karagdagang arrest warrants sa susunod na dalawang linggo. RNT/MND