MANILA, Philippines – Humiling ang mga health experts, patient groups, at policymakers sa PhilHealth na maglunsad ng mas komprehensibong Lung Cancer Benefit Package para sa mga pasyenteng may lung cancer sa bansa.
Sa ASPIRE Lung Summit 2025, inilabas ang Philippine Declaration on Lung Cancer Diagnostics and Treatment Access, na nananawagan din ng mas malawak na early detection, diagnosis, at pantay na paggamot sa buong bansa.
Ayon kay Atty. Arnel Mateo, chairman ng Lung Health Alliance of the Philippines (LungHAP), ang lung cancer ang pangunahin at nangungunang sanhi ng kamatayan sa lahat ng uri ng kanser sa Pilipinas. Noong 2022, ito ang may pangalawang pinakamaraming bagong kaso sa bansa, ayon sa Global Cancer Observatory.
Kasama sa deklarasyon ang pagpapalawak ng access sa medical equipment para sa maagang detection, pagtatatag ng regional cancer centers, pakikipag-partner ng public at private sectors para sa mas mabilis na investment, at pagbabawas ng stigma, pagpapalawak ng kaalaman, at empowerment ng mga pasyente.
Ayon kay Dr. Kenneth Samala, lead researcher ng ASPIRE, makakatulong ang mas komprehensibong PhilHealth coverage sa pagbuti ng resulta ng paggamot, lalo na’t mahigit kalahati ng mga Filipino lung cancer patients ay na-diagnose sa late stage.
Dagdag pa ni Dr. Corazon Ngelangel, presidente ng Philippine Cancer Society, maaaring gamitin ang artificial intelligence (AI) para mas mapaigting ang serbisyo lalo na sa mga lugar na kulang ang kagamitan.
Sa kasalukuyan, nagbibigay ang PhilHealth ng lung cancer screening para sa mga 50–80 taong gulang na kasalukuyang naninigarilyo, o huminto sa paninigarilyo sa nakaraang 15 taon, o may family history ng lung cancer. RNT/MND