SURIGAO DEL SUR, Philippines – Kinondena ng Kapisanan ng mga Broadcaster sa Pilipinas (KBP), Butuan City chapter ang brutal na pagpatay kay Gerry Campos, isang broadcaster na naging municipal councilor sa Marihatag, Surigao del Sur.
Ayon sa grupo, dapat magkaroon ng mabilis at patas na imbestigasyon upang makamit ang hustisya.
Si Campos ay binaril sa Barangay Sta. Cruz habang naglalakad malapit sa isang gasoline station noong Sabado ng umaga. Ang kanyang 42-anyos na salarin ay nahuli rin ng pulisya sa parehong araw.
Bago manalo bilang miyembro ng Sangguniang Bayan ng Marihatag sa midterm elections ngayong taon, nagsilbi si Campos bilang director ng Radio Mindanao Network sa Butuan City at manager ng Radyo Serbato.
Sa isang pahayag sa Facebook, sinabi ng Radyo Serbato na malalim nilang dinaramdam ang pagkawala ni Campos at itinuturing ang kanyang serbisyo at liderato bilang isang legacy na mananatili sa alaala ng lahat. RNT/MND