Home NATIONWIDE PNP naglatag ng checkpoints sa Socorro

PNP naglatag ng checkpoints sa Socorro

MANILA, Philippines – Nagkasa ng checkpoint ang Philippine National Police (PNP) sa Sitio Kapihan sa Socorro, Surigao del Norte.

Target ng PNP na tulungan ang mga miyembro ng Soccoro Bayanihan Services Inc. (SBSI) na malayang makagalaw sa loob at labas ng lugar.

“Kailangan po mamaintain natin ang kaayusan. Alleged po nila na di sila makalabas before, so ngayon nakita na po natin na nakalabas na sila freely na walang intervention,” anang parak.

Ikinatuwa naman ng ilang residente ang hakbang ng pulisya.

Lahat ng 4,000 miyembro ng SBSI ay kasalukuyang naninirahan sa 353-ektaryang Sitio Kapihan, isang protektadong lugar na matatagpuan sa bulubunduking bahagi ng bayan ng Socorro.

Noong Biyernes, inihayag ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) na sinuspinde nito ang kasunduan sa SBSI sa pamamahala sa isang bahagi ng isang protektadong lugar sa Surigao del Norte.

Sa isang pahayag, sinabi ng DENR na iniimbestigahan nito ang mga posibleng paglabag ng grupo sa mga tuntunin at kundisyon ng Protected Area Community-Based Resource Management Agreement (PACBRMA).

Noong 2019, sinimulan ng DENR ang imbestigasyon sa grupo dahil sa mga paglabag sa kasunduan.

Kabilang dito ang paghihigpit sa pagpasok sa lugar, checkpoint setup, military-like training, pagbibitiw ng mga guro, uniformed personnel at barangay officials, gayundin ang pagtatayo ng mga istruktura sa loob ng lugar.

Nagsumite ang SBSI ng mga na-update nitong proyekto ngunit tinanggihan ito ng DENR dahil sa hindi pagsunod sa ilang mga probisyon ng deal.

Noong 2021 at 2022, tinawag ng DENR ang atensyon ng grupong Socorro sa mga paulit-ulit na paglabag ngunit hindi ito tumugon.

Noong Huwebes, nagsagawa ng pagdinig ang komite ng Senado sa umano’y pang-aabuso at ilegal na aktibidad ng umano’y kultong SBSI. RNT