MANILA, Philippines – Nakikipag-ugnayan ang Philippine National Police sa Anti-Money Laundering Council upang matunton ang ₱200 milyon sa cryptocurrency na konektado sa pagdukot at pagpatay sa negosyanteng si Anson Que.
Ayon kay PNP spokesperson Brig. Gen. Jean Fajardo, may dalawa pang Chinese suspects na pinaghahanap. Natagpuan ang bangkay nina Que at ng kanyang driver noong Abril 9 sa Rizal. Hinala ng pulisya, hindi ransom kundi pagpatay talaga ang motibo.
Tatlong suspek na ang nasa kustodiya: sina Richardo Austria David, Raymart Catequista, at David Tan Liao na kusang sumuko.
Nagpasalamat ang pamilya Que kina Pangulong Marcos at PNP Chief Marbil sa mabilis na aksyon. Pinuri rin ng VACC ang PNP at hiniling ang tuluyang pag-usig sa lahat ng sangkot.
Itinanggi ni Marbil ang mga lumalabas na balitang pagdukot sa iba pang personalidad at nagbabala laban sa pagpapakalat ng fake news. RNT