MANILA, Philippines – Inihayag ng Philippine National Police (PNP) noong Biyernes, Mayo 8, na naka-activate na ang kanilang disaster response preparations habang papalapit sa Philippine Area of Responsibility (PAR) ang Tropical Storm “Hagupit.”
Ayon kay PNP Chief Police General Jose Melencio C. Nartatez Jr., inutusan na ang mga police commander sa mga lugar na posibleng maapektuhan na ihanda ang kanilang tauhan at kagamitan bago pa man pumasok ang bagyo sa PAR.
“Our police commanders in areas concerned were already alerted and advised to activate the necessary disaster response protocol. The goal is always to ensure public safety and maximize the assistance in all scenarios,” ani Nartatez.
Dagdag niya, naghahanda rin ang PNP ng emergency equipment at logistical support upang makatulong sa mga lokal na pamahalaan sa posibleng preemptive o forced evacuation kung lalala ang sitwasyon.
“I assure the public that the PNP will continue to monitor the track and developments of this tropical storm,” dagdag niya.
Ayon sa PAGASA, maaaring lumakas pa ang Hagupit sa loob ng 48 oras at posibleng umabot sa “high-end tropical storm” category bago pumasok sa PAR. Kapag pumasok na ito sa bansa, tatawagin itong “Caloy.”
As of 10 a.m. Friday, ang bagyo ay nasa 1,460 km silangan ng Northeastern Mindanao (sa labas pa ng PAR), may taglay na hanging 85 km/h at pagbugsong umaabot sa 105 km/h, at kumikilos pakanluran sa bilis na 20 km/h.
Nagpaalala rin ang PNP sa mga residente sa mga lugar na madalas bahain, magka-landslide, at tamaan ng storm surge na bantayan ang mga opisyal na abiso at posibleng evacuation orders. RNT/MND