MANILA, Philippines – Ayon sa Department of Environment and Natural Resources – Environmental Management Bureau (DENR-EMB), nananatiling “good” ang kalidad ng hangin sa buong Negros Island Region (NIR) batay sa monitoring noong Biyernes, 8 a.m.
Sinabi ng DENR-EMB na patuloy nilang mino-monitor ang air quality sa rehiyon at walang nakikitang pagtaas ng polusyon sa ngayon.
“The DENR-EMB Negros Island Region is actively tracking air quality across the region. As of 8 a.m. Friday, air quality levels across all stations currently maintain good air quality index (AQI) level,” ayon sa ulat.
Ang mga monitoring station ay matatagpuan sa Bacolod City, La Castellana, at La Carlota City sa Negros Occidental, at Canlaon City sa Negros Oriental.
Pareho ring “good” ang kalidad ng hangin noong Mayo 6 at Abril 22, ayon sa ahensya.
Sa air quality health guide, ang “good” ay nangangahulugang ang Particulate Matter 10 (PM10) ay nasa 0–50 level, habang ang 51–100 ay “fair.”
Ang PM10 ay maliliit na particle tulad ng alikabok, usok, at soot na maaaring makapasok sa baga, habang ang PM2.5 ay mas pino at mas delikado dahil maaari itong pumasok sa dugo.
Ayon sa DENR-EMB, ibig sabihin nito ay ligtas at maayos pa rin ang kalidad ng hangin sa rehiyon sa ngayon. RNT/MND