MANILA, Philippines – Nakapagtala ang Philippine National Police (PNP) ng kabuuang 1,275 school-related incidents sangkot ang Children in Conflict with the Law (CICL) sa buong bansa mula 2022 hanggang 2025, ayon sa datos mula sa Women and Children Protection Center (WCPC).
Ang pinakamataas na bilang ng insidente ay naitala noong 2023 sa 395 kaso, sinundan ng 345 noong 2024, 325 noong 2025, at 210 noong 2022.
Nakita rin sa rekord ng PNP na ang mga kaso ay natugunan sa pamamagitan ng legal, social welfare, at community-based interventions, kung saan 279 kaso ang inihain sa korte, 323 sa ilalim ng preliminary investigation, 221 ang naisaayos, at 52 ang na-refer sa social welfare authorities para sa kaukulang tulong at intervention.
Samantala, nasa kabuuang 119 kaso ang na-dismiss, habang 272 insidente ay ang mga sitwasyon kung saan ang complainants o biktima ay hindi na nagsampa ng reklamo.
Iginiit ng Philippine National Police (PNP) ang pangangailangan sa “balanced approach that promotes accountability, prevention, intervention, and the protection of children’s rights while ensuring school safety” lalo na sa pinakahuling insidente ng pamamaril sa paaralan sa Tacloban City.
“The PNP recognizes that many cases involving minors require not only accountability but also timely guidance, rehabilitation, and strong family and community support to help prevent repeat offenses and promote positive development among the youth,” sinabi pa ng PNP.
Ayon kay PNP chief Police General Jose Melencio C. Nartatez Jr., nirerespeto ng pulisya ang anumang desisyon na gagawin ng Kongreso lalo na sa pagpapababa ng minimum age ng criminal responsibility mula 15 patungong 10-anyos.
“Ang usapin ng Minimum Age of Criminal Responsibility ay isang polisiya na nakasalalay sa ating mga mambabatas. Ang tungkulin ng Philippine National Police ay tiyaking maayos, patas, at naaayon sa batas ang pagpapatupad ng anumang hakbang na maipapasa. Patuloy nating gagampanan ang ating mandato nang may paggalang sa due process, karapatang pantao, at kapakanan ng kapwa natin mamamayan,” ani Nartatez.
Iginiit pa niya na ang diskusyon sa youth accountability ay dapat na “go hand in hand with efforts to strengthen guidance, supervision, and intervention programs.” RNT/JGC