Home HOME BANNER STORY PNP nangakong ‘di magkakaroon ng whitewash sa kaso ng napatay na binatilyo...

PNP nangakong ‘di magkakaroon ng whitewash sa kaso ng napatay na binatilyo sa Navotas

MANILA, Philippines – Tiniyak ng Philippine National Police (PNP) nitong Huwebes, Agosto 10, na hindi iwa-whitewash o pagtatakpan ang imbestigasyon sa kaso ng pagpatay ng mga pulis sa binatilyo na inakala nilang suspek, sa Navotas City.

“”We want to assure everyone na walang mangyayari ng whitewash dito,” sinabi ni PNP spokesperson Police Colonel Jean Fajardo.

“No less our chief PNP assures the public po na bibigyan ng katarungan itong biktima at itong mga pulis ay siguradong masasampahan ng kaso particularly ‘yung administrative case that would lead to their outright dismissal,” dagdag pa niya.

Noong Agosto 2, iniulat na nabaril at napatay kasi ng mga pulis ang 17-anyos na si Jemboy Baltazar na mangingisda na sana, nang mapagkamalan na isa sa mga suspek na kanilang tinutugis sa follow-up operation.

Si Baltazar ay sakay ng maliit niyang bangka at naghahanda na sanang mangisda nang dumating ang grupo ng mga pulis at pinalibutan ang lugar, sabay pinaulanan na ito ng bala.

Depensa naman ng anim na pulis, sa dagat lamang nila ipinutok ang mga baril at hindi nila intensyong tamaan ang binatilyo.

Nang tanungin naman kung nagtangkang magtanim ng ebidensya ang mga pulis sa biktima, sinabi ni Fajardo na isasama nila ito sa imbestigasyon.

Sumailalim na sa inquest proceedings ang mga pulis sa kasong reckless imprudence resulting in homicide.

Nahaharap din ang mga ito sa kasong administratibo dahil sa grave misconduct at serious irregularity sa pagtugon nila ng tungkulin.

Inalis na sa pwesto ang mga sangkot na pulis at naka-detain sa Navotas Police headquarters. RNT/JGC