Home NATIONWIDE PH economy mapupuruhan sa pag-boycott sa Chinese firms – business group

PH economy mapupuruhan sa pag-boycott sa Chinese firms – business group

MANILA, Philippines – Nagbabala ang Federation of Filipino-Chinese Chambers of Commerce and Industry Inc. (FFCCCII) nitong Huwebes, Agosto 10, na posibleng magkaroon ng matinding epekto sa ekonomiya ng bansa kung puputulin ng pamahalaan ang ugnayan nito sa Chinese companies at ipagbawal ang pagpasok ng produkto ng China sa bansa.

“Alam niyo ‘yung boycott na ‘yan, nakakasama to both countries. Kasi kung sila, nag-boycott din, hindi bumili sa atin ng mga raw materials natin, mga prutas na ine-export natin, maraming mapipinsala diyan. Kaya hindi gano’n kadali na sabihin na boycott kasi babalikan din tayo niyan eh,” sinabi ni FFCCCII President Cecilio Pedro, sa naging pahayag ni Senador Juan Miguel Zubiri na pag-boycott sa mga Chinese company.

Ani Pedro, dapat na maingat na pag-aralan ang panawagan ng boycott at ikunsidera na ang China ang pinakamalaking trade partner ng Pilipinas sa 18% ng total foreign trade ng bansa, o $39 billion.

Malaking bahagi rin ng imported goods na pumasok sa bansa noong nakaraang taon ay mula sa China na umabot ng $28 billion o 20% ng total imports.

Hinimok ni Pedro ang mga politiko na kumalma at maghanap ng mainam na solusyon upang tugunan ang tensyon sa West Philippine Sea.

“Kung nag-boycott tayo, magiging hindi maganda sa future natin… China is our biggest partner. Isa sa pinakamalaki. Sayang ang opportunity…maganda magagawa ng Tsina para sa atin. Malaki ang market nila, marami tayong produkto na pwedeng ma-export sa Tsina,” dagdag pa ng opisyal.

Nauna nang nagpasa ng resolusyon ang Senado na kumukondena sa panggigipit ng China sa West Philippine Sea at patuloy na harassment sa Pilipinas.

Nitong Linggo, binomba ng water cannon at hinarangan pa ng Chinese Coast Guard ang barko ng Pilipinas na magdadala sana ng suplay sa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal.

Depensa ng CCG, ginawa lamang nila ito dahil hindi sumusunod sa kanilang babala ang Pilipinas at pumasok pa rin sa Ayungin Shoal na bahagi umano ng teritoryo ng China.

Kasunod ng insidente ay nagpadala na ng note verbale ang Pilipinas sa China. RNT/JGC