MANILA, Philippines- Hindi magdedeklara ang Philippine National Police (PNP) ng Suspension of Offensive Police Operations (SOPO) laban sa mga rebelde sa buong bansa para sa ika-55 anibersaryo ng Communist Party of the Philippines (CPP) sa Dec. 26.
Sa press briefing sa Camp Crame nitong Lunes, sinabi ni PNP spokesperson Brig. Gen. Jean Fajardo na inatasan ng PNP lahat ng police regional offices ng maging alerto laban sa posibleng karahasan ng mga rebelde at local terrorists.
“Hindi tayo magde-declare ng suspension of police operations dahil history will tell us na kapagka nagde declare ng SOPO and SOMO (Suspension of Offensive Military Operations) ang security forces yun din yung ginagamit na opportunity nung mga CTGs (communist terrorist groups) and even yung mga LTGs (local terrorist groups) para mag initiate ng kanilang mga ambuscades, harassment and retaliatory attacks. So, for purposes of celebration nila nitong Dec. 26 at the whole duration ng holiday season ay wala SOPO,” ani Fajardo.
“We are anticipating the retaliatory attacks ang gagawin nila sa atin at hindi lang sa PNP pati na rin sa AFP (Armed Forces of the Philippines) kaya pagtutulungan bantayan ng inyong pambansang pulisya at AFP yung ating mga far-flung situated yung mga police stations,” aniya pa.
Samantala, binanggit ni Fajardo na nasa 47,000 pulis ang itinalaga sa buong bansa bilang bahagi ng Ligtas Paskuhan hanggang Jan. 6, 2025.
Kanselado na umano ang mga leave ng mga pulis mula noong Dec. 15. RNT/SA