Home TOP STORIES PNP sa Ilalim ni Chief Nartatez: Disiplina, aksyon, at kongkretong resulta

PNP sa Ilalim ni Chief Nartatez: Disiplina, aksyon, at kongkretong resulta

258
0

SA larangan ng pagpapatupad ng batas, hindi nasusukat ang pamumuno sa dami ng sinasabi o sa madalas na pagharap sa publiko dahil mas malinaw itong nakikita sa mga konkretong aksyon.

Sa pamumuno ni Acting Philippine National Police (PNP) Chief PLtGen. Jose Melencio C. Nartatez Jr., piniling tahakin ng PNP ang isang direksyong tahimik ngunit matibay. Mas inuuna ang disiplina, maayos na pagpapatakbo ng operasyon, at malinaw na resulta kaysa palabas. Simple ang pamantayan, gawin nang maayos ang tungkulin at hayaang ang gawa ang magsalita.

Makikita ang ganitong uri ng pamumuno sa operasyong isinagawa noong Disyembre 13, 2025, ala-1:00 ng hapon, sa C6 Aura Duterte Street sa Barangay Napindan, Taguig City. Pinangunahan ito ng PNP Drug Enforcement Group sa pamamagitan ng Special Operations Unit NCR, katuwang ang District Intelligence Division ng Southern Police District at ang PDEA NCR. Ang operasyon ay bunga ng maingat na paghahanda at matagal na intelligence work ng mga awtoridad.

Limang high value targets ang nahuli sa isinagawang operasyon kung saan sinabi ng mga imbestigador na may mahalagang papel ang grupo sa isang organisadong network ng ilegal na droga. Ang kanilang pagkakaaresto ay nagdulot ng malinaw na pagkagambala sa patuloy na galaw ng droga sa Metro Manila at mga karatig-lugar.

Kasabay nito, nasamsam ang mahigit 25.5 kilo ng hinihinalang shabu, humigit-kumulang 1.77 kilo ng high-grade marijuana kush, at 140 piraso ng marijuana oil cartridges. Narekober din sa operasyon ang ilang smuggled cigarettes, bukod pa sa iba pang ebidensyang may kaugnayan sa kaso. Tinatayang lampas PHP 176 milyon ang kabuuang halaga ng mga nasabat na droga. Hindi lamang ito usapin ng dami o halaga, kundi isang seryosong dagok sa isang aktibong network at banta na matagal nang nakaapekto sa mga komunidad.

Bukod sa droga, narekober din ng mga operatiba ang isang Glock 17 na baril na may bala, buy-bust money, mga cellular phone, at identification cards. Ang mga suspek at non-drug evidence ay kasalukuyang nasa kustodiya ng PNP Drug Enforcement Group, habang ang mga nasabat na droga ay isinailalim na sa forensic examination. Gumamit din ng alternative recording devices sa buong operasyon, bilang bahagi ng pagtiyak sa tamang dokumentasyon, transparency, at pananagutan.

Hindi lamang sa laki ng mga nasamsam nasusukat ang operasyong ito, kundi sa paraan kung paano ito naisakatuparan. Ipinapakita nito ang malinaw na takbo ng organisasyon sa ilalim ni Chief Nartatez, kung saan malinaw ang direksyon at malinaw din ang papel ng bawat yunit. Binibigyang-halaga ang maayos na koordinasyon, pananagutan sa command, at kumpiyansa sa kakayahan ng mga operatiba sa field.

Sa ilalim ng pamumuno ni Chief Nartatez, patuloy na itinataguyod ng PNP ang isang pamamalakad na nakatuon sa tuluy-tuloy na aksyon, disiplina, at mga pagbabagong may pangmatagalang epekto, lampas sa pansamantalang atensyon ng publiko. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here