MANILA, Philippines – May kalayaan na makapagpahayag ng suporta para kay Vice President Sara Duterte ang mga alumni ng Philippine National Police Academy.
Ang pahayag na ito ni PNP spokesperson Police Brig. Gen. Jean Fajardo ay kasunod ng pahayag ng PNPA Class 1991 nang ‘unwavering support’ para kay Duterte, at tinawag ang impeachment laban sa kanya bilang isang “blatant form of political persecution” na layong siraan ang kanyang reputasyon.
Ani Fajardo, sumasalamin ang pahayag na ito sa pananaw ng karamihan sa miyembro ng PNPA Class 91, maliban sa tatlong miyembro na aktibo pa rin sa pwersa ng kapulisan at nagnanais na manatiling ‘apolitical’ at ‘nonpartisan.’
“Kinonfirm ko po yan sa mga miyembro po ng PNPA Class 91 at majority of them, except for three active PNP personnel, naglabas daw po sila. It was just a draft letter of support doon sa mga miyembro na ito na naglabas ng support sa ating VP Sarah Duterte,” sinabi ni Fajardo sa isang press briefing.
Iginiit niya na may karapatan ang mga alumni ng PNPA na magpahayag ng kanilang opinyon.
“Karapatan po nila yan, katulad po ng mga ibang indibidwal at grupo na magpahayag po ng kanilang suporta, at hindi po natin saklaw yung nilalaman ng kanilang mga isip,” dagdag pa niya.
Nitong Miyerkules, matatandaan na inimpeach ng Kamara si Duterte sa 215 mambabatas na nag-endorso ng ikaapat na impeachment complaint laban sa kanya.
May dagdag na 25 mambabatas ang pumirma sa reklamo, ayon kay House Secretary General Reginald Velasco.
Handa naman umano si Duterte sa paglilitis at walang planong magbitiw sa pwesto. RNT/JGC