MANILA, Philippines – Nanawagan si Leody De Guzman sa gobyerno na ihinto ang mga kasunduan sa nukleyar, dahil maaari itong makasira sa pangako ng Pilipinas sa Paris Agreement.
Ito’y matapos ipahayag ng Valar Atomics Inc. ang plano nitong magtayo ng 100-kilowatt nuclear reactor sa pakikipagtulungan sa Philippine Nuclear Research Institute (PNRI). Ang proyekto, na nagkakahalaga ng milyun-milyong dolyar, ay magsisilbing proof of concept lamang at hindi lilikha ng kuryente.
Tinawag ni De Guzman na isang maling solusyon ang nukleyar, at iginiit na mas dapat pagtuunan ng pansin ang renewable energy. Aniya, sayang lang ang oras at pondo sa nukleyar, lalo na’t nasa climate emergency na tayo.
Ayon sa Climate Analytics, kailangang 80% ng enerhiya ng Pilipinas ay mula sa renewable sources pagsapit ng 2030 upang matugunan ang pandaigdigang climate goals. Hinimok din ni De Guzman ang gobyerno na putulin ang kasunduang nukleyar (123 Agreement) sa U.S. at magtulak ng makatarungang transisyon sa enerhiya.
Nangako ang Pilipinas na bawasan at iwasan ang 75% ng greenhouse gas (GHG) emissions mula 2020 hanggang 2030, ngunit 2.71% lamang ang walang kondisyon, saklaw ang sektor ng agrikultura, basura, industriya, transportasyon, at enerhiya. RNT