Home NATIONWIDE Poe nabahala sa pagdami ng road accident; transport safety board iminungkahi

Poe nabahala sa pagdami ng road accident; transport safety board iminungkahi

MANILA, Philippines- Lubhang ikinabahala ni Senador Grace Poe ang patuloy na pagdami ng aksidente sa lansangan na ikinamamatay at ikinasusugat ng drayber man o pasahero sa ilang bahagi ng bansa.

Sinabi ni Poe, dating chairman ng Senate committee on public services, na napapanahon ang agarang pagsasabatas ng transport safety bill na nakahain ngayon sa Senado.

“Naibubuwis ang buhay at nasusugatan ang ilang motorista araw-araw na maaari naman maiwawan . Hindi ito katanggap-tanggap,” ayon kay Poe, awtor ng Senate Bill No. 1121 o ang panukalang Philippine Transportation Safety Board (PTSB).

“Nakakabili ng bagong motorsiklo, pero hindi napapalitan ang buhay,” dagdag ni Poe.

Sinabi ni Poe na dapat magsilbing hudyat sa awtoridad ang estadistika sa dami ng aksidente sa kalye at nasasawi upang pabilisin ang takbo at ipatupad ng proactive measure upang mabawasan kundi man tuluyang masugpo ang aksidente.

Layunin ng panukalang PTSB na lumikha ng nag-iisang ahensya na may kapangyarihan sa pag-iimbestiga ng lahat ng transportation-related accidents at insidente sa himpapawid, karagatan at kalupaan kabilang ang tren at pipeline systems.

Magbibigay ang panukala ng katumbas na pangunahing proactive solutions na sasakupin ang istriktong pagsusuri sa lahat ng pampublikong sasakyan, pagbibigay ng lisensya at pagsasanay at safety measures upang maiwasan ang aksidente.

“Isang responsilibidad ang pagmamaneho na higit pa sa karapatan,” ayon kay Poe, na namumuno sa Senate Committee on Public Services bago hawakan ang Finance Committee.

Sinabi ng senador na dapat malaman ng sinumang drayber na nasa likod ng manibela na tiyakin ang kondisyon ng sasakyan, tumupad sa batas ng trapiko at maging alerto hinggil sa kondisyon ng lansangan upang matiyak ang kaligtasan sa kalye.

Para naman sa public utility drives, kabilang ang motorcycle taxi riders, sinabi ni Poe na maaaring mabigyan sila ng libreng pagsasanay sa pakikipagtulungan ng Technical Education and Skills Development Authority.

Iniulat ng Metropolitan Manila Development Authority na mula Enero hanggang Nobyembre 2024 lamang, umabot sa 62,723 ang naganap na aksidente sa lansangan na may 332 nasawi.

Karamihan sa sangkot na aksidente ang apat na gulong na sasakyan kasunod ng motorsiklo at trak.

Samantala, iniulat ng Department of Health na umabot sa 12,241 namatay dahil sa aksidente sa lansangan na naitala ng Philippine Statistics Authority noong 2022.

Naunang inihayag ni Health Secretary Teodoro Herbosa na sa loob ng 10 taon, tumaas ang bilang ng aksidente sa kalye ng mahigit 25.6 percent kada taon.

Dahil dito, nangako si Poe na isusulong ang pagsasabatas ng transportation safety bill, na higit na kailangan ng bansa para sa mas ligtas na paglalakbay ng mamamayang Filipino araw-araw.

“We want both our drivers and passengers to come home safe to their families at the end of the day. As they say, safety is no accident,” ani Poe. Ernie Reyes