Home NATIONWIDE POGO ban bill nasa Senate plenary na

POGO ban bill nasa Senate plenary na

MANILA, Philippines – Umabot na sa plenaryo ng Senado ang panukala na naglalayon ng institusyonalisasyon sa ban sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs).

Ang Senate Bill 2868 o proposed “Anti-POGO Act of 2024” na inisponsoran ni Senador Sherwin Gatchalian ay naglalaman ng committee report 342 na binuo ng Senate ways and means committee.

Ayon kay Gatchalian, layon ng panukala na “eliminate once and for all the operations” ng mga POGO sa bansa at nakaayon sa executive order ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Sa pagpasa ng panukala, sinabi ng senador na ang institusyonalisasyon ay nangangahulugan na ang pagbabawal dito “extends beyond this current administration.”

“The Anti-POGO Act of 2024 lays out firm provisions to end the destructive grip of offshore gaming within our borders, ensuring that come January 1, 2025, no person or entity can operate or even offer offshore gaming within Philippine territory,” ani Gatchalian.

Sinabi pa ng mambabatas na ipinagbabawal at parurusahan sa SB 2868 ang pagtatayo, operasyon, o pagsasagawa ng offshore gaming sa Pilipinas; pagtanggap o pagtaya sa mga sugal na may kaugnayan sa operasyong ito; pagsisilbing gaming content provider o accredited service provider para sa POGOs; paglikha at operasyon ng POGO hub o POGO site sa Pilipinas; pagkakaroon ng anumang gaming equipment o gaming paraphernalia para sa offshore gaming; at ang pagtulong, pagprotekta sa pagsasagawa ng anumang aksyon o aktibidad na ipinagbabawal sa ilalim ng naturang hakbang.

Ipinatutupad din ng panukala ang blanket revocation sa lahat ng POGO-related licenses pagsapit ng Disyembre 31, 2024.

Kinakansela rin nito ang lahat ng Alien Employment Permits na inisyu sa mga indibidwal na sangkot sa POGO operations.

Ipinapanukala rito na ang lahat ng POGOs, gaming content providers, service providers, at local gaming agents ay liable pa rin sa lahat ng taxes, duties, regulatory fees, at lahat ng iba pang charges due at payable sa pamahalaan.

Ang mga paglabag sa anumang probisyong ito ng panukalang hakbang ay pasok sa ilalim ng unlawful activity ng Republic Act No. 9160 o “Anti-Money Laundering Act of 2001.”

Maikokonsidera namang paglabag sa Section 4 of RA 10364 o Expanded Anti-Trafficking in Persons Act of 2012 ang recruitment ng sinumang Filipino o dayuhan na manggagawa sa POGO-related purposes.

Kapag napag-alaman naman na lumabag dito ang isang empleyado ng pamahalaan, hindi lamang ito mahaharap sa parusa kundi madidiskwalipika rin sa pag-upo sa anumang posisyon ng pamahalaan at babawiin ang kanilang retirement benefits.

Inaatasan din ng SB 2868 ang Department of Labor and Employment na makipagtulungan sa Technical Education and Skills Development Authority, Department of Information and Communications Technology, Department of Trade and Industry, Commission on Higher Education, at iba pang ahensya para suportahan ang transition ng mga apektadong manggagawa.

“With each provision, we are laying down a framework that not only bans offshore gaming operations but also builds safeguards for our people. Sa pamamagitan ng Anti-POGO Act, binubura natin ang kadilimang dulot ng POGO at ibinabalik ang dangal ng ating bayan,” ani Gatchalian.

“Let us remember that the victims are not just numbers in crime reports or faceless statistics. They are individuals with names, faces, and families. Each one has a story, each one deserves justice. It is a travesty to stand by and do nothing, and it is incumbent upon this august body to take decisive action to end the cycle of crimes and injustice that POGOs have brought upon our shores,” dagdag pa niya. RNT/JGC