Home NATIONWIDE POGO na nagpapanggap ng BPO kinumpirma ng PAOCC

POGO na nagpapanggap ng BPO kinumpirma ng PAOCC

MANILA, Philippines – Nagpapanggap umanong mga business process outsourcing (BPO) firms ang karamihan sa mga Philippine Offshore Gaming Operators upang maipagpayuloy ang kanilang operasyon sa kabila ng deklarasyon ni Pangulong Marcos Jr na ipagbawal ang lahat ng POGO sa bansa.

Ito ang kinumpirma ni Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) Director Winnie Quidato sa Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality sa pagdinig sa illegal activities na nauugnay sa POGO.

Umaasa si Quidato na ang mga “guerrilla POGOs”at kanilang illegal na aktibidad ay hindi makakaapekto sa magandang image na naitatag ng mga BPO sa bansa .

Iniulat din ni Quidato na mula sa libu-libong indibidwal na nagtatrabaho sa isang POGO noon, ang guerilla POGO ay nahati na sa mas maliit na grupo ng 10 hanggang 20 indibidwal kada operasyon.

Binanggit ng opisyal na karamihan sa ‘guerilla POGO’ ay nagsimulang mag-operate sa Visayas ay Mindanao dahil sa aktibong kampanya ng PAOCC sa Luzon.

Aniya, nakatakda muling makipagpulong ang PAOCC sa concerned government agencies upang talakayin ang mas mahigpit na pagpapatupad ng Executive Order 74 at kung paano hahabulin ang “guerilla POGOs.”

Nilagdaan ni Marcos ang EO 74 noong Nov.4 na nagpapataw ng agarang pagbabawal sa mga operasyon sa offshore at Internet gaming sa bansa. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)