
KAILAN kaya talaga madudurog ang mga iskalawag na pulis na nauugnay sa droga o robbery-extortion?
Nagtatanong tayo, mga brad, dahil sa muling pagkakasangkot sa droga at iba pang mga krimen ng ilang miyembro ng Manila’s Finest kamakailan.
Hindi man pinangalanan ni National Capital Region Police Office Director PMGen. Anthony Aberin ang mga pulis, inilarawan ang mga ito na isang tenyente, tatlong staff sergeant at tatlong patrolman, ng Manila Police District, Station 5, Ermita, Manila.
Nahaharap na ang mga ito sa mga kasong grave threats, robbery-extortion, arbitrary detention, korapsyon at obstruction of justice.
Lumitaw sa imbestigasyon na inakusahan ng mga police scalawag ang isang 49-anyos na lalaki ng pagkakasangkot sa droga, inaresto ito at kinikilan ng P50,000 ngunit pinakawalan din matapos magbigay ang misis ng biktima ng P20,000.
Nang malaman ng mga iskalawag na nagsampa ng kaso ang mag-asawa, pumunta ang mga pulis sa kanila, isinauli ang salapi kapalit umano ng pag-atras ng mga biktima ng kaso, kasabay ng pananakot sa mga ito.
Pero saludo tayo kay Aberin sa aksyon nito nang ipadakip at kasuhan ang mga ito at ihayag sa media at mamamayan ang buong pangyayari.
Hindi man kinilala ni Aberin ang mga pulis, naniniwala tayong hindi fake news ang pangyayari.
At higit na maniniwala tayo kung makita nating ikinulong ang mga ito at hindi inilagay lang sa restrictive custody na malaya pa ring nakakikilos, dinisarmahan at hinubaran ng uniporme at tsapa.
Kasi naman, baka matulad lang sila sa mga pulis-Eastern Police District noon na sinibak sa kasong robbery-extortion ng Mandaluyong Police ngunit natagpuang gumawa muli ng katulad na krimen sa Las Piñas City noong Abril.
Pinaratangan ng EPD police scalawag ang dalawang Tsino na may mga iligal na armas ngunit pagdating sa lugar, nilimas nila ang mga ito ng milyon-milyong salapi, gadget at iba pa.