MANILA, Philippines – Patay sa pamamaril ang hepe ng Police Station 2 ng Cagayan de Oro City malapit sa mismong Bahay nito.
Ayon sa ulat, kalalabas lamang ng sasakyan ng biktima na kinilalang si Police Captain Abdulcahar Armama, nang pagbabarilin ito ng suspek Sabado ng gabi, sa Barangay Bulua.
Isinugod pa sa ospital ang biktima ngunit hindi na umabot nang buhay dahil sa tama ng bala sa ulo.
Ani Cagayan de Oro City Police Office (COCPO) Spokesperson, Leiutenant Colonel Evan Viñas, inaalam na ang lahat ng posibleng motibo sa krimen.
“All angles will be opened from his work performance, family background and other angles,” sinabi ni Viñas.
Kinondena ng Police Regional Office-Northern Mindanao (PRO-10) ang pamamaslang kay Armama at sinigurong mapananagot ang mga nasa likod ng krimen.
“Such an act of violence against those who dedicate their lives to serving and protecting the community is abhorrent and unacceptable,” saad sa pahayag ng PRO-10.
Nanawagan na ang pulisya sa mga posibleng makapagbigay ng impormasyon sa nangyaring pagpatay at sa pagkakakilanlan ng mga nasa likod ng krimen. RNT/JGC