MANILA, Philippines – Kailangan pa ring magsumite ng kanilang Statement of Contribution and Expenditures o SOCE ang mga kandidatong nagsumite ng statement of withdrawal para sa 2025 midterm elections, sinabi ng Commission on Elections (Comelec).
Paglilinaw ni Comelec Chairman George Garcia, ito ay kahit na umatras na ang kandidato sa kanilang kandidatura.
Ayon kay Garcia, kailangan pa ring malaman ng komisyon ang kanilang SOCE, partikular na ang mga ginastos at natanggap na kontribusyon sa kampanya, gayundin kung sumunod ba ang mga ito sa itinakdang limitasyon, sila man ay umatras o hindi.
Kung hindi naman makapagsumite ng SOCE bago o sa mismong deadline sa Hunyo 30, babala ni Garcia na posibleng maharap sa election offense o diskwalipikasyon sa pagtakbo ang isang kandidato at mawalan ng karapatang bumoto.
Sa ngayon, apat na senatorial aspirants na ang umatras sa kanilang kandidatura kabilang dito sina dating Ilocos Sur Governor Chavit Singson, Internet personality na si Francis Leo Marcos, Agri Party List Representative Wilbert Lee at Doc Willie Ong. Jocelyn Tabangcura-Domenden