MANILA, Philippines- Tinutulan ng poll watchdog ang panukala ng komite ng Commission on Elections (Comelec) na ipagbawal ang lahat ng uri ng ayuda o tulong 10 araw bago ang eleksyon.
Sinabi ni Danilo Arao, convenor ng Kontra Daya na bagamat’ maganda ang layunin ay maaring humantong sa mas maraming “underhanded” na pagbili ng boto mula sa mga “trapo” o tradisyunal na mga politiko.
Ang pinalawak na pagbabawal sa ayuda sa loob ng nasabing panahon ay iminungkahi ng Kontra Bigay committee na pinamumunuan ni Commissioner Ernesto Maceda Jr.
Nitong Martes, sinabi ni Comelec Chairman George Garcia na ang panukala ay tatalakayin ng Comelec en banc sa regular nilang sesyon sa Miyerkules.
Sa ngayon, ipinagbabawal lamang ng Comelec ang pamamahagi ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) 10 araw bago ang botohan.
Sinabi ni Arao na hindi na dapat palawakin pa ang pagbabawal na ito at sa halip ay dapat palakasin ng Comelec ang kanilang monitoring mechanisms. Jocelyn Tabangcura-Domenden