
NATUKLASAN ng Commission on Audit na ginamit ni Mayor Marcy Teodoro ang pondo ng Philhealth pang-abroad sa Vietnam.
Dahil dito ay lalong lumakas ang kaso sa Ombudsman na technical malversation laban kay Teodoro.
Natuklasan din ng COA na kasama sa abroad trip na ito sa Vietnam ang kanyang asawa na si Marikina 1st District Rep. Maan Teodoro, mga konsehal at iba pang opisyal ng Pamahalaang Lungsod ng Marikina. Umabot sa milyon-milyong pondo ng Philhealth ang ginastos para sa abroad trip na ito sa Vietnam.
Ayon sa Universal Health Care Law, ang mga pondo galing sa Philhealth ay dapat lamang ilaan sa mga programang pangkalusugan.
Dagdag pa sa ulat ng COA na sumuri sa mga transaksyong pinansyal mula 2023 hanggang unang bahagi ng 2024, nabigo ang Marikina na magtatag ng Special Health Fund alinsunod sa Republic Act No. 11223 o Universal Health Care Law. Lahat ng Local Government Unit ay kinakailangang bumuo ng SHF para sa maayos na pamamahala ng pondong pangkalusugan.
Sa kasamaang palad, hindi pa tuluyang nabubuo ng City Government of Marikina ang SHF ng lungsod.
Dahil walang SHF, ang pondong nakukuha mula sa national government, gaya ng PhilHealth reimbursements, ay iniipon ng City Government sa Trust Fund – Health Care Institution Fund. Natuklasan ng COA na may kabuuang P45.62 milyon na pondong galing sa PhilHealth claims at reimbursements ang ginamit ng City Government sa hindi nakatakdang paggagamitan nito.
Noong Setyembre 6, 2023, ipinasa ng Sanggunian ang ordinansang naglalaan ng pondo mula sa PhilHealth reimbursements para sa mga kagamitang hindi pangkalusugan. Pinirmahan ito ni Teodoro noong Setyembre 8, 2023. Sa kabila ng pagiging trust fund, ginamit ng City Government of Marikina ang P94.7 milyon mula sa TF-HCI para sa “Other Supplies and Material Expenses” para sa taong 2024. Iginiit ng COA na hindi ito maaaring gamitin sa ibang layunin.
Natuklasan din ng COA ang maling paggamit ng pondo para sa pagbili ng pagkain at inumin, IT equipment, pagkumpi at kasama ang cash advances ng mga opisyal ng pamahalaang lungsod nang magtungo sa Ho Chi Minh City, Vietnam noong Setyembre 2023.
Hinikayat ng COA ang pamahalaang lungsod na sumunod sa UHC Law at tiyakin na ang lahat ng pondong pangkalusugan ay nagagamit nang tama para sa kapakanan ng mamamayan ng Marikina.