Home OPINION TRAHEDYA NG PAF FIGHTER JET

TRAHEDYA NG PAF FIGHTER JET

HINDI pa nangyari ito — isang Philippine Air Force FA-50 fighter jet ang naglaho habang nasa kalagitnaan ng isang tactical exercise nang walang anomang detalyeng inilabas tungkol sa target nito.

Ikinasa ang misyon sa kalagitnaan ng gabi, kasama ang iba pang participant-fighter jets na kabibili lang mula sa Korea. Sa unang pagputok ng balita ng insidente, nanahimik ang Air Force tungkol sa detalye ng misyon o sa mga piloto na para bang nagdadalawang-isip pang amining may nangyaring hindi maganda sa nasabing operasyon.

Gayunman, may simpleng pagkakaunawaan kung paanong sa mga ganitong insidente — lalo na kapag may kinalaman o magiging epekto sa pambansang seguridad o may posibilidad ng geopolitical consequences — ay inaasahan na ang discretion. Dapat na maingat munang kumpirmahin ang anomang impormasyon bago ito isapubliko.

Bandang tanghali nitong Miyerkules, kinumpirma ng Armed Forces of the Philippines Eastern Mindanao Command na natagpuan na ang fighter jet, sakay ang dalawang piloto na parehong wala nang buhay, sa kinabagsakan nito sa Kalatungan mountain range sa Bukidnon.

Nauna rito, mabilis na nagsuspetsa ang Pinoy netizens — na likas nang tamang-hinala — matapos kuyugin ang mga comments section ng malisyosong paninisi sa China. Hindi tayo dapat na agarang nagbibintang.

Sa kabilang banda, hindi rin naman tamang magsawalang-kibo lang ang ating gobyerno sa mga ginagawa ng China. Lalo na at sistematikong pinag-aaralan ng Beijing ang mga ginagawang aksyon ng Pilipinas sa West Philippine Sea, kung saan 260 barko ng China ang namataang nagpapatrulya sa ating karagatan nitong Pebrero lamang.

Ngayong malinaw na sa pahayag ng mga awtoridad na walang kinalaman ang China sa nangyaring trahedyang ito, hindi naman nawawala ang nakaambang panganib ng exploitation. Babala sa China: Huwag kayong magkakamaling isipin na ang pagpipigil sa sarili ng mga Pilipino ay pagpapakita ng kahinaan.Sa patuloy na panggigipit ng China sa West Philippine Sea, kailangan natin ang pinag-ibayong pagsusuri — hindi, ang tamang termino ay garantiya — sa matagal nang sinasabi ng Washington na “iron-clad” Mutual Defense Treaty ng Pilipinas at United States.

Sa kabilang banda, ang pagkakaluklok kay President Donald Trump sa White House ay nagkaroon ng mga alinlangan kung gaano nga ba ka-“iron-clad” ang commitment ng Amerika sa atin sakaling tumindi pa ang panggigipit ng China.

Ang umeksena sa media kamakailan na pagtanggi ni Trump kay President Volodymyr Zelenskyy ng Ukraine — solidong kaalyado ng Amerika sa Europe laban sa Russia — sa Oval Office ay hindi magandang sukatan o batayan ng commitment ng Amerika sa mga pinangangakuan nito ng tulong depensa.

Tiniyak ni Philippine Ambassador to the US Jose Manuel Romualdez na nananatiling walang maliw ang suporta ng Washington sa atin, sinabing sa ilalim ng Trump administration, nakatakdang makatanggap ang Pilipinas ng malaking pondo bilang tulong sa pagpapalakas ng sandatahan.

Subalit walang halaga ang mga dolyar at kasunduang pangdepensa kung hindi ito tinutumbasan ng tunay na suporta. Hindi lang pondo ang kailangan ng Pilipinas; kailangan nito ang malinaw, agaran, at aktuwal na pagpapakita ng pwersa na mag-aalis sa anomang pagdududa.

* * *

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksyon, mag-email sa [email protected] o mag-post sa @Side_View sa X app.