Home OPINION SENADO ‘DI MABIBILI SA IMPEACHMENT

SENADO ‘DI MABIBILI SA IMPEACHMENT

WALA ni katiting na halong taba o litid kundi puro laman ang binitiwang salita ni Senador Cynthia Villar sa kontrobersya sa impeachment.

Sabi ni Sen. Villar, “Baka sa House kaya kasi mayroon silang pakinabang, but the Senate, you don’t buy the senators. They have their own money.”

Binitiwan ng senador ang nasabing mga salita bilang tugon sa pagtutulak ni Sen. Koko Pimentel na “duty” o tungkulin nila na isagawa na ngayon ang impeachment.

Dapat iprayoridad ang impeachment kaysa sa pangangampanya, ayon kay Pimentel.

Sabi naman ni Villar na kalabisan na umano ang sinasabi ni Pimentel na kapwa niya kandidato ngayon halalang 2025 sa pagka-Kongresman.

Hindi pupwedeng isabay ang pangangampanya sa pagdalo sa paglilitis sa impeachment, aniya.

Isa pa, hindi umano makatwiran ang pagdadala ng mga kongresman ng complaint for impeachment sa huling oras ng sesyon ng Senado at pagkatapos, mamadaliin ang mga senador na umaksyon.

Matatandaan hindi umabot ang nasabing dokumento sa oras na dapat mabasa ito habang may sesyon at sa harap ng mga senador.

PASARING O SAMPAL?

Paano kaya ituturing ang binitiwang salita ni Sen. Villar?

Paano kaya unawain ang salitang “pakinabang” na natatanggap ng mga kongresman sa pagpirma at paghahain ng impeachment sa Senado at pagpipilit na isalang na ito sa paglilitis?

Ang tiyak, may nalalaman itong lady senator at kanino naman kaya nanggagaling ang pakinabang?

Ang maganda siguro, ang mga nasasakupang mamamayan ng mga kongresman ang magtanong sa kani-kanilang kongresman na pumirma sa impeachment.

Isama na ring tanungin maging ang mga partylist representative na pumirma sa tanong kung may pakinabang sila sa pagpirma.

Paano naman kaya ang mga lumilitaw na nagpupumilit na litisin na ang impeachment, dahil may mga pumirma na nakasiper ang mga bunganga makaraan silang pumirma?

Matanong na rin ang mga pumirma na hindi na kakandidato.

Sa palagay ba ninyo isa lang na pasaring sa mga kongresman ang mga salita ni Sen. Villar?

O isang sampal!

Ang tiyak, hindi magsasalita nang ganyan ang isang mambabatas nang walang nalalaman at pinagbabatayan.

Sino-sino nga kaya ang mga kongresman na iyan?

MILYONG PIRMA BALEWALA

Para namang salita ng hari na ‘di mababali ang paninindigan ni Senate President Chiz Escudero na sa Hunyo 2, 2025 magsimula ang mga panimulang hakbang at sa Hulyo 30 gugulong ang trial o paglilitis.

Ito’y sa gitna ng mga maniobra ng mga mang-ii-impeach gaya ng pagrarali, paggamit ng 1986 EDSA revolt, pagpapapirma umano ng milyong para sa kahilingan dito at iba pa.

Aniya, higit na nakararami sa mga senador ang hindi sumasang-ayong isagawa ang impeachment sa labas ng regular sesyon.

Kahit pa milyong pirma ang makakalap ng mga pro-impeachment, hindi umano ito matitinag.

Ano nga kaya ang mangyayari?

Kaugnay nito, sa sarbey ng Social Weather Station, 94% ng mga mamamayan ang mas gustong mapag-usapan ang pagkakaroon ng trabaho at sapat na pagkain at nasa 60% ang laban sa mataas na presyo ng mga bilihin.

At ang kandidato na magsusulong ng mga programang ito, siya ang iboboto nila.