MANILA, Philippines – Tatlong sistema ng panahon ang magdadala ng pag-ulan at maulap na kalangitan sa ilang bahagi ng Pilipinas sa Biyernes, ayon sa PAGASA.
Apektado ng Shear Line ang silangang bahagi ng Hilagang Luzon, mararanasan ang Amihan sa dulong Hilagang Luzon, at ang Easterlies naman ang magdudulot ng pag-ulan sa natitirang bahagi ng bansa.
Ang Mainland Cagayan, Apayao, Kalinga, Isabela, at Aurora ay makararanas ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at pulu-pulong pagkidlat at pagkulog dahil sa Shear Line, na posibleng magdulot ng pagbaha o pagguho ng lupa dulot ng katamtaman hanggang malakas na pag-ulan.
Ang Caraga, Southern Leyte, at Davao Oriental ay makararanas din ng ganitong lagay ng panahon dahil sa Easterlies. Ang Batanes at Babuyan Islands ay makakaranas ng pag-ulan dulot ng Amihan na may banta rin ng pagbaha at pagguho ng lupa.
Samantala, bahagyang maulap hanggang maulap na kalangitan na may pag-ambon ang mararanasan sa Ilocos Norte, ngunit wala itong inaasahang malaking epekto.
Bahagyang maulap hanggang maulap na kalangitan na may pulu-pulong pag-ulan o pagkulog at pagkidlat naman ang mararanasan sa Metro Manila at nalalabing bahagi ng bansa, kung saan posible ang pagbaha sa matitinding pagkulog at pag-ulan.
Malakas na hangin at maalon na karagatan ang inaasahan sa Hilagang Luzon, habang katamtaman hanggang malakas na hangin na may katamtaman hanggang maalon na dagat naman sa Gitnang Luzon.
Sa iba pang bahagi ng bansa, inaasahan ang bahagyang hanggang katamtamang hangin at banayad hanggang katamtamang pag-alon ng dagat. RNT