Home NATIONWIDE Pondo sa pension hike ng indigent seniors, pinatitiyak sa DBM

Pondo sa pension hike ng indigent seniors, pinatitiyak sa DBM

Pinangunahan ni Senate Majority Leader Joel Villanueva ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) payout sa 800 beneficiaries sa Sta. Rosa, Laguna ngayong Martes, October 3, 2023. Cesar Morales

MANILA, Philippines- Hiniling ni Senate Majority Leader Joel Villanueva, principal sponsor ng Increased Social Pension of Indigent Senior Citizens Law, sa Department of Budget and Management (DBM) na tiyakin na may nakalaang pondo para sa dagdag na buwanang social pension ng indigent senior citizen.

Larawan kuha ni Cesar Morales

Sa 2024 National Expenditure Program, naglaan ng P49.80 bilyon para sa P1,000 kada buwan na social pension ng mga indigent senior citizen.

Subalit, iginiit ni Villanueva na sa taong 2023, nananatiling P500 kada buwan ang social pension ng mga indigent senior citizen, kahit na naipasa ang batas na nagdodoble sa halaga nito noong nakaraang taon.

“Maawa naman po tayo sa ating mga senior citizens. Ibigay na po ang dagdag pension na dapat ay natatanggap na nila,” sabi ni Villanueva.

“Bakit po ang flood control program na mayroong budget na P1.074 bilyon kada araw, ngunit hindi nararamdaman ang epekto, ay madali pong napopondohan, pero itong ayuda na kailangan na kailangan ng ating mga lolo at lola ay hirap na hirap po tayong hanapan ng pondo?” dagdag niya.

Larawan kuha ni Cesar Morales

Sa ilalim ng 2023 General Appropriations Act, P25.30 bilyon ang inilaang pondo para sa social pension ng mga indigent senior citizens. May inilaan ding P25 bilyon sa ilalim ng unprogrammed funds para sa dagdag pensiyon.

Mandato ng Republic Act No. 11916, inisponsoran ni Villanueva noong 18th Congress, na dagdagan ng 100 porsiyento ang buwanang pensiyon – P1,000 mula sa dating P500 – ng mga indigent senior citizen, na tinatayang nasa 4.1 milyon sa kasalukuyan.

Inamiyendahan ng batas ang Republic Act No. 7432, ang unang Senior Citizens Act. Sa budget briefing sa Senado, sinabi ng DBM na wala pang pondong nailabas mula sa unprogrammed funds para sa dagdag na pensiyon, na nangangahulugang wala pang indigent senior citizen na nakakatanggap ng dagdag pensiyon sa taong ito.

“Our elderlies are pinning their hopes on the release of the unprogrammed funds to get their pension,” ani Villanueva.

“Sa mahabang panahon ng paglalaan ng lakas sa kanilang pamilya at sa bansa, bigyan naman po natin sila ng kaunting ginhawa,” dagdag pa niya. Ernie Reyes