MANILA, Philippines – Nagpasya na sapat na isang simpleng kahoy na kabaong pagdating ng oras na yumao ang Santo Papa — na iniiwasan ang karangyaan at pribilehiyo ng pamumuno sa pandaigdigang Dimbahang Katoliko.
Sa isang bagong pormal na ritwal na inilathala nitong Miyerkules, Nobyembre 20, sinabi ng Vatican na tatalikuran ni Francis ang isang siglong kasanayan ng paglilibing sa yumaong Papa sa tatlong magkadugtong na casket na gawa sa cypress, lead at oak. Sa halip, ililibing si Francis sa isang kabaong na gawa sa kahoy na nilagyan ng zinc.
Hindi rin ipapakita si Pope Francis sa ibabaw ng isang nakataas na plataporma, o catafalque, sa St. Peter’s Basilica para makita ng mga bisita sa Roma, gaya ng nangyari sa mga naunang Papa.
Malugod pa ring tatanggapin ang mga bisita para magbigay galang, ngunit ang bangkay ni Francis ay maiiwan sa loob ng kabaong, na nakasara ang takip.
Si Francis na nasa 88 taong gulang na sa Disyembre 16 ay nakakaranas na ng paminsan-minsang mga sakit sa kalusugan nitong mga nakaraang taon, ngunit mukhang nasa mabuting kalagayan nitong mga nakaraang buwan.
Sinabi ng Papa noong nakaraang taon na nais niyang pasimplehin ang detalyado, mahabang aklat na mga seremonya ng libing na ginamit para sa kanyang mga sinundan.
Inihayag din noon ni Francis na siya ang magiging unang Papa na ililibing sa labas ng Vatican sa mahigit isang siglo.
Sa halip na ilibing kasama ang 91 iba pang mga yumaong Papa sa St. Peter’s Basilica, sinabi ni Francis na gusto niyang ilibing sa Basilica of St. Mary Major ng Roma, na inialay kay Maria, ang Ina ng Diyos.
Ang St. Mary’s ay ang simbahan kung saan tradisyonal na pumupunta si Francis upang manalangin bago at pagkatapos ng bawat paglalakbay sa ibang bansa. Jocelyn Tabangcura-Domenden