VATICAN – Sa gitna ng matinding pagkakahati ng pulitika sa Estados Unidos, pinili ni Pope Leo XIV—ang kauna-unahang Amerikanong Santo Papa—ang maingat at hindi tuwirang pagpuna habang pinananatiling bukas ang komunikasyon.
Mula nang mahalal siya noong Mayo, hayagan nang tinutulan ni Leo XIV ang ilang desisyon ng administrasyon ni US President Donald Trump.
Kinondena niya ang “inhuman” na pagtrato sa mga migrante, nanawagan ng dayalogo sa Venezuela, at nagpahayag ng pangamba sa isang “diplomacy of force”.
Gayunman, sa mga nagdaang linggo ay naging mas maingat ang Santo Papa.
Hindi siya nagkomento sa posibleng interbensyon ng US sa Iran, sa plano ni Trump ukol sa Greenland, o sa tensyon sa Minneapolis matapos mabaril ang dalawang protester ng federal agents.
Iwas din ang kanyang lingguhang pahayag sa mga isyung ito at bihira na rin ang kanyang pakikipag-usap sa media.
Noong Linggo lamang siya nagsalita upang ipahayag ang “great concern” sa tumitinding tensyon sa pagitan ng Cuba at Estados Unidos at nanawagan sa lahat na “avoid violence”.
Dagdag pa, batid ng Santo Papa na apektado rin ang Simbahang Amerikano, lalo na ang mga migranteng tinutulungan nito, sa gitna ng paghihigpit ng Immigration and Customs Enforcement (ICE).
Sa halip na direktang makisangkot, mas pinipili ni Leo XIV na ipaubaya sa mga obispo ng Estados Unidos ang pagtugon sa mga isyu.
Kamakailan, mariing kinondena ni Archbishop Paul Coakley ang pagpatay kina Renee Good at Alex Pretti sa Minneapolis, habang sinabi naman ni Bishop Anthony Taylor na may “obvious parallels” ang kasalukuyang kalagayan ng US sa Nazi Germany, bagama’t iginiit niyang “Trump is no Hitler”.
Sa larangang pandaigdig, tatlong kilalang kardinal ng US ang naglabas ng pahayag laban sa pagiging interventionist ng Amerika at sa banta nito sa kapayapaan ng mundo.
Ayon sa mga source, may tahimik umanong pagsang-ayon ito ni Pope Leo XIV.
Hindi pa nagkikita nang personal sina Pope Leo XIV at Trump, bagama’t nakaharap na ng Santo Papa si Vice President JD Vance dalawang linggo matapos ang kanyang pagkahalal noong Mayo 2025.
Para sa Vatican, mahalagang maiwasan na maiugnay ang Simbahang Katolika sa Estados Unidos sa Trumpism.
Ayon sa historyador na si Massimo Faggioli, ang panganib ay ang posibleng “disintegration, even a collapse, of the reputation and historical role of the American Church.” RNT/MND