MANILA, Philippines – Pansamantalang ipinagbawal ng apat na probinsya sa Western Visayas ang pagpasok at kalakalan ng mga buhay na baboy, karne ng baboy, at iba pang pork by-products kasunod ng panibagong mga kaso ng African Swine Fever (ASF).
Ipinagbawal ng mga pamahalaang panlalawigan ng Aklan, Antique, at Guimaras ang pagpasok ng mga buhay na baboy at produktong baboy mula sa Capiz at Negros Occidental kung saan may kumpirmadong kaso ng ASF.
Saklaw din ng pagbabawal ang Iloilo dahil sa mga hinihinalang kaso ng ASF at naitalang pagkamatay ng mga baboy habang hinihintay pa ang resulta ng confirmatory tests mula sa regional laboratory ng Department of Agriculture-6.
Ipinatupad ang mga hakbang nina Aklan Gov. Jose Enrique “Joen” Miraflores, Antique Gov. Paolo Javier, Guimaras Gov. Maria Lucille Nava, at Capiz Gov. Fredenil Castro upang mapigilan ang pagkalat ng ASF sa kanilang mga lalawigan.
Kabilang sa mga ipinatupad na hakbang ang pagtatayo ng border control checkpoints at pagpapalakas ng veterinary quarantine at biosecurity protocols.
Nakapagtala na rin ng ASF outbreaks ang Western Visayas noong 2023 at 2024. Isa ang rehiyon sa mga pangunahing hog-producing areas sa bansa. Santi Celario