Home HOME BANNER STORY Posibleng dagdag-bawas sa presyo ng langis sa susunod na linggo, asahan —...

Posibleng dagdag-bawas sa presyo ng langis sa susunod na linggo, asahan — DOE

265
0

MANILA, Philippines – Asahan na ng mga motorista ang ipatutupad na dagdag-bawas sa presyo ng mga produktong petrolyo sa susunod na linggo, ayon sa Department of Energy–Oil Industry Management Bureau (DOE-OIMB) nitong Biyernes.

Batay sa trading noong Huwebes sa Mean of Platts Singapore (MOPS), sinabi ni DOE-OIMB Assistant Director Rodela Romero na inaasahan ang mga sumusunod na pagbabago sa presyo ng mga produktong petrolyo.

Sa produktong gasolina, tinatayang bababa ng humigit-kumulang ₱0.10 kada litro, sa diesel ay tinatayang tataas ng humigit-kumulang ₱0.30 kada litro habang sa produktong kerosina naman ay tinatayang tataas ng humigit-kumulang ₱0.05 kada litro.

Nilinaw naman ni Romero na hindi pa kabilang sa mga pagtatayang ito ang operating cost ng mga kumpanya ng langis at iba pang premium.

Kabilang sa mga nakitang dahilan ng galaw sa presyo ng langis ang senyales ng pagluwag ng tensyon sa pagitan ng Estados Unidos at Iran, na nagbawas sa geopolitical risk premium sa pandaigdigang merkado.

Dagdag pa rito, ang pahayag umano ni US President Donald Trump na “seryoso” ang pakikipag-usap ng Iran sa Washington ay nagresulta sa pagbaba ng presyo ng langis ng hanggang $3 kada bariles.

Binanggit din ni Romero ang inaasahang sapat na suplay ng langis mula sa Estados Unidos at iba pang bansang hindi kasapi ng OPEC, gayundin ang mas mahinang demand sa heating fuel dahil sa inaasahang mas banayad na panahon sa US.

Karaniwang inanunsyo ng mga kumpanya ng langis ang opisyal na price adjustment tuwing Lunes, na agad namang ipinapatupad kinabukasan. JAY Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here