Home NATIONWIDE Posisyon ng Pinas sa ICC, nauunawan ng US – Castro

Posisyon ng Pinas sa ICC, nauunawan ng US – Castro

1
0

MANILA, Philippines — Nauunawaan ng United States ang posisyon ng Pilipinas kaugnay ng International Criminal Court, ayon sa Malacañang noong Huwebes, sa gitna ng mga hakbang ng administrasyong Trump laban sa international tribunal.

Sinabi ni Palace Press Officer Claire Castro na hindi natalakay ang ICC sa pulong nina Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at US Secretary of State Marco Rubio sa Malacañang noong Miyerkules.

Gayunman, ipinaalam ni Philippine Ambassador to the United States Jose Manuel Romualdez sa Palasyo na natalakay niya ang usapin sa US State Department.

Ayon kay Castro, ipinaliwanag ni Romualdez sa mga opisyal ng US na “sensitive matter” para sa Pilipinas ang ICC issue dahil sa residual obligations ng bansa at pakikipagtulungan nito sa International Criminal Police Organization o Interpol.

“Ang sabi po ay nauunawaan ang sensitibong bagay na ito sa ating bansa (They said they understand that this is a sensitive matter for our country),” sinabi ni Castro.

Umalis ang Pilipinas sa Rome Statute noong 2019 sa ilalim ni dating Pangulong Rodrigo Duterte matapos simulan ng ICC ang preliminary examination sa anti-illegal drug campaign ng kanyang administrasyon.

Nanindigan ang ICC na may hurisdiksiyon pa rin ito sa mga umano’y krimeng ginawa habang kasapi pa ng Rome Statute ang Pilipinas mula Nob. 1, 2011 hanggang Marso 16, 2019.

Iniimbestigahan ng tribunal ang mga alegasyon ng crimes against humanity na inuugnay sa anti-drug campaign ni Duterte noong siya ay alkalde ng Davao City at kalaunan ay pangulo.

Inaresto si Duterte sa pamamagitan ng Interpol noong Marso 2025 alinsunod sa warrant ng ICC at dinala sa The Hague, kung saan nahaharap siya sa mga kasong crimes against humanity.

Kabilang din sa iniimbestigahan ng ICC prosecutors si dating Philippine National Police chief at ngayo’y Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa, na nanguna sa nationwide anti-drug campaign noong administrasyong Duterte at kasalukuyang nagtatago.

Nanindigan ang administrasyong Marcos na bagama’t hindi na kasapi ng ICC ang Pilipinas, kinikilala nito ang ilang residual obligations sa ilalim ng international law at patuloy na nakikipagtulungan sa Interpol kaugnay ng mga kahilingang may kinalaman sa ICC proceedings. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here