MANILA, Philippines — Bumalik na sa normal ang mga power grid sa bansa matapos muling mag-online ang isang malaking planta ng kuryente sa Visayas, ayon sa Department of Energy nitong Lunes.
Sinabi ni Energy Undersecretary Mario Marasigan na ang Panay Energy Development Corporation Unit 3, na may kapasidad na 150 megawatts, ay naka-synchronize na sa Visayas grid.
Nailagay sa Yellow Alert ang Visayas grid sa halos buong buwan ng Mayo at Hunyo dahil sa usapin ng suplay ng kuryente.
Samantala, naglabas ang DOE ng 203 show-cause orders sa iba’t ibang planta ng kuryente na nagkaroon ng unscheduled shutdowns. Sa kabuuang bilang, 174 ang on-grid plants habang 29 naman ang off-grid facilities.
Nilinaw ni DOE legal officer Gab Corpus na hindi nangangahulugang guilty na ang mga may-ari ng mga planta sa forced outage o recurring capacity derating dahil sa inilabas na show-cause orders.
Ayon kay Corpus, inilabas ang mga kautusan dahil hindi naisumite ng mga generating firms ang kinakailangang annual self-assessment forms sa o bago ang April 24, 2026 deadline.
Sinabi ni Garin na nasa pitong off-grid plants ang hindi tumugon sa show-cause orders, habang 114 sa 174 on-grid plants ang hindi rin sumagot.
Ayon kay Garin, susuriin ng DOE ang mga kaso at magpapataw ng nararapat na parusa sa mga may-ari ng power plants na hindi tumugon sa kautusan ng pamahalaan na magpaliwanag. Dave Baluyot