
TUMINDIG ang ating balahibo, mga Bro, sa naganap na pangyayari sa labas ng bansa nitong nakaraang mga araw at sa susunod pang mga araw.
Naganap ang pagtindig ng ating balahibo sa oras na nabalitang may napakalakas na mga lindol sa Thailand at Myanmar.
Magnitude 7.7 ang lindol na nagpaguho sa ginagawang 30 palapag na gusali sa Bangkok, Thailand, sumira sa isang napakahabang Sagaing Bridge sa Irrawaddy River sa Myanmar at maraming iba pang bahay, istruktura, eskwela, imprastraktura, kalsada, mosque, templo at iba pa.
Napakalakas ang lindol dahil 10 kilometro lang ang pinagmulan nito mula sa ilalim ng lupa sa Myanmar.
Magkasinglakas ang lindol sa Myanmar at Thailand at ang sa Baguio-Nueva Ecija noong 1990 sa Pinas dahil pareho silang magnitude 7.7.
MGA PATAY AT SUGATAN SA LINDOL
Ang bansang Myanmar ang lumitaw na higit na mayroong maraming namatay kumpara sa Thailand.
Habang tinitipa natin ito, mga Bro, may mahigit 1,600 nang kumpirmadong patay habang daan-daan ang nasugatan.
Inaasahang aabot sa 10,000 ang patay sa Myanmar.
Sa Thailand, nasa 17 pa lang ang kumpirmadong patay bagama’t mahigit sa 80 ang hinuhukay sa gumuhong gusaling gobyerno na itinatayo, ang 30 palapag na Auditor’s Office.
Marami rin ang nasugatan.
Naghuhukay pa lang ang mga tao sa hindi mabilang na mga tahanan, matataas ng gusali at iba pang gumuho.
Mahigit 600 dito ang mga templong Buddhist at marami ring mosque ang nasira rin.
Sinasabing maraming namatay sa mga nag-darasal sa mga mosque dahil patapos na ang Ramadan.
SALAMAT SA AYUDA
Sa ganitong mga pangyayari, hindi pa man nakapagpapadala ng ayuda ang ating bansa, nagpapasalamat na tayo sa ibang mga bansa na nakapagpadala na at magpapadala pa lang nito ngayon at sa darating na mga araw.
Siyempre pa, kasama tayo tiyak sa mga magpapadala ng anomang tulong, lalo na sa parte ng pamahalaan.
Ang China at India ang unang umasiste, lalo na sa Myanmar na higit na nasiraan dahil sa bansang ito, sa parteng Mandalay, nagmula ang lindol.
Ang pagpapadala ng tulong sa sakuna at nararanasan din natin, gaya noong dinaluhong tayo ng super bagyong Yolanda at nang magiba ang maraming istruktura ng killer quake na Baguio-Nueva Ecija killer quake noong 1990.
Namatayan tayo noon ng 1,600, sugatang 3,513 at missing na 321.
MAGPRAKTIS LABAN SA THE BIG ONE
Dapat muli nating gisingin ang ating katawan at kaluluwa ukol sa pagdating anomang araw ng The Big One na lindol mula sa Bulacan hanggang sa Laguna at Cavite via Metro Manila.
Tinatayang maaaring may mamatay na nasa 30,000-50,000 kapag bumira ang posibleng magnitude 7.2 na The Big One.
Pwera pa ang maaaring mamamatay na 100,000 sa daanan ng mga tubig mula sa Angat Dam dahil sa pagragasa ng 30 metrong taas na tubig kung magigiba ito.
Nasaan ang mga pwersang laban sa lindol, at nasaan din ang mga pagpapraktis bago dumating ito?
Nasaan ang mga ospital, evacuation center, tubig, pagkain, gamot?
Nasaan ang mga bumbero laban sa sunog, sasakyang panlupa, pandagat at panghimpapawid para sa mabilisang pagkilos?