MANILA, Philippines- Tinatayang nasa P20 milyong halaga ng mga pekeng sigarilyo ang nasamsam ng mga tauhan ng Bureau of Internal Revenue (BIR) katuwang ang mga tauhan ng Philippine National Police na nagresulta sa pagkakaaresto sa dalawang indibidwal sa Mandaue City noong nakaraang linggo.
Batay sa ulat, sinabi ni Police Regional Office-Central Visayas chief Brig. Gen. Redrico Maranan na ang operasyon noong Marso 26 ay inilunsad matapos humingi ng tulong sa pulisya ang BIR.
Nabatid na nagsagawa ng surveillance operation ang mga awtoridad sa Espina Compound, Sitio Sta. Cruz at A.S. Fortuna Extension kanto ng A. Del Rosario Street, na matatagpuan lahat sa Barangay Guizo.
Nasamsam sa operasyon ang 334 master cases at 167,765 na pakete ng sigarilyo, kasama ang karagdagang limang kahon na naglalaman ng 2,500 pack, na pinagsama-samang nagkakahalaga ng humigit-kumulang P20,431,800, na ang bawat stick ng sigarilyo ay nagkakahalaga ng P6.
Ang mga suspek at nakuhang ebidensya ay itinurn-over sa Regional Special Project Unit 7 para sa maayos na pagproseso at mahaharap sa mga kaso sa ilalim ng Republic Act 10863 o Customs Modernization and Tariff Act. JR Reyes