
NAPAKALINAW na katotohanan ang inilabas ng ika-80 taong kaarawan ni ex-Pangulong Digong Duterte.
Binubuo ang katotohanan ng pagkakaroon ng pagkilala kay Pang. Digong na may nagawang mabuti para sa mga Filipino at sa buong bansa, hindi lang dito sa loob ng Pilipinas kundi sa labas din, lalo na sa parte ng mga overseas Filipino worker.
Katapat ng katotohanang ito ang katotohanang may mga hindi magandang nagawa rin ang Pangulo.
Naging malinaw kung gaano katatag ang mga supporter ni Digong sa gitna ng tila wala nang katapusang paninira sa kanya ng mga matatag ding anti-Duterte.
Tatlong grupo ang mga anti-at pro-Duterte.
Una ang grupong anti na walang kinikilalang kahit Pangulo at pamahalaan ng Pilipinas at gusto nilang sila ang maghari-harian.
Ikalawa ang grupong anti at pro na malinaw na balimbing na kung nasaan ang malakas at maimpluwensya ngayon, nandoon sila, at kung hihina ang huli at may lilitaw na ibang malakas at maimpluwensya, doon naman sila nagsusumiksik.
Ikatlo ang mga pro na tahimik sa tagal at walang puknat na paninira kay Duterte ngunit sumabog at umalingawngaw ang boses nitong ika-80 kaarawan niya.
Paano ba susukatin ang mga nagbangayang pwersa ng mga mamamayan?
Ang sabi nila, kasayayan lang ang makapagpapakita sa huli ng higit na katotohanan ukol kay Duterte.
Ngunit masasabi nating ang darating na halalan ang isang panukat dito.
Ipagpalagay nating hindi uubra ang kinang ng salapi at mga ayuda sa mga nagpapahayag ng kanilang tunay na saloobin sa halalan, ang tagumpay ng mga kandidatong senador ang magiging isang sukatan ng katotohanan ukol sa anti at pro-Duterte na mamamayan.
Ngunit sa paligid at gitna ng halalan, nandiriyan ang gagampanang papel ng Commission on Elections na tiyaking maging malinis at hindi mahaluan ng malawakang pandaraya ang halalan, maging ang boto ng milyones na OFW.