MANILA, Philippines – Nananatiling aktibo ang Philippine Red Cross (PRC) sa pagsagip at pagtugon habang nararanasan ng bansa ang hagupit ng bagyong Kristine.
Sa Facebook post, sinabi ni PRC Chairman at CEO Richard “Dick” Gordon na ang bansa ay kasalukuyang nahaharap sa tinatawag niyang ‘Bulaga season’ kung saan ang mga bagyo ay nagiging mas unpredictable at extreme kaysa sa inaasahan, kasama ang sunud-sunod na rescue operations sa Camarines Sur, Bicol, Batangas , Cavite, at Laguna.
“Sa kasalukuyan, nararanasan natin ang tinatawag kong ‘Bulaga season’ kung saan biglang lumalakas ang mga bagyo na higit pa sa inaasahan. Tila hindi na sapat ang kahit anong paghahanda, dahil palaging may kakulangan kapag dumating ang mga ganitong kalamidad. Hindi lamang ito nangyayari sa Pilipinas—halimbawa, sa US, maaaring tamaan ng isang bagyo at pagkatapos ng ilang linggo, muling tatamaan ng isa pang bagyo,” sabi ni Gordon.
Nabanggit din ni Gordon ang lahar flow mula sa Mayon Volcano sa Albay dahil sa malakas na pag-ulan.
Ipinaliwanag ni Gordon na kapag magpatuloy ang pag-agos ng lahar, magdudulot ito ng grave damages sa buhay.
“Kung patuloy na bababa ang lahar, maaaring maputol nito ang ugnayan ng Albay at Camarines Sur, lalo na kung aabot ito sa mga pangunahing daan. Kailangan nating maghanda ng masusing plano para sa paglikas, tulong, at pagsuporta sa mga kabuhayan kung sakaling mangyari ito. Ito rin ay maaaring magdulot ng matinding suliranin sa ekonomiya, pagkasira ng mga tahanan, at pagkawala ng kabuhayan, tulad ng mga mudslide na naganap sa North Carolina. Malaki ang posibilidad ng pinsala sa imprastruktura, at lubos na maaapektuhan ang pang-araw-araw na buhay ng mga tao,” ani Gordon.
Tiniyak ni Chairman Gordon na tuloy-tuloy ang PRC sa pagbibigay ng mga kinakailangang serbisyo at tulong para sa mga lubhang nangangailangan.
Noong Oktubre 23, nagpadala ang PRC ng komprehensibong humanitarian caravan (amphibian water vessel, service vehicle, 6×6 truck, food truck, at limang rubber boat) sa mga lalawigang naapektuhan ng bagyo. Ang iba pang mga asset tulad ng mga water tanker, service vehicle, at ambulance unit ay naka-standby sa PRC Chapters.
Nagbigay din ang PRC ng pagkain sa mahigit 8,000 indibidwal; nagbigay ng psychological first aid sa 460 katao; at nagsilbi sa 394 na mga pasyente.
Ang mga boluntaryo at kawani ng Red Cross 143 ay pinakilos din habang ang mga welfare desk at mga istasyon ng pangunang lunas ay estratehikong nakalagay sa mga lugar na lubhang apektado. Jocelyn Tabangcura-Domenden