MANILA, Philippines – Isang “reward” umano ang executive clemency na iginawad kay dating Iloilo City Mayor Jed Patrick Mabilog para sa pag-atake kay dating Pangulong Rodrigo Duterte, ayon kay dating chief presidential legal counsel Salvador Panelo.
Inilabas ni Panelo ang pahayag nitong Lunes, Enero 27, ilang oras matapos kumpirmahin ni
Executive Secretary Lucas Bersamin ang presidential pardon para kay Mabilog sa administrative case nito.
“The pardon granted Mabilog on his administrative [case], obviously, is a reward for attacking and besmirching the integrity and reputation of former Rodrigo Roa Duterte, who is a critic of the administration,” sinabi pa ni Panelo.
Ang executive clemency ni Mabilog ay may kinalaman sa kaso nito noong 2017 kung saan dinismiss ito ng Office of the Ombudsman sa bigong pagpapaliwanag sa kwestyonableng yaman na nagkakahalaga ng P8.9 milyon mula 2012 hanggang 2013.
Inakusahan din ni Duterte si Mabilog na sangkot sa illegal drug trade.
Dahil sa takot sa kanyang buhay ay umalis ng bansa si Mabilog noong Agosto 2017.
Bumalik lamang si Mabilog sa Pilipinas noong Setyembre 10, 2024 para linisin ang kanyang pangalan at sabihin na isinama siya sa watchlist ng Duterte administration, bagamat walang inihaing reklamo laban sa kanya na may kaugnayan sa illegal na droga.
Sa House quad committee hearing noong Setyembre, sinabi ni Mabilog na nakatanggap siya ng tawag mula sa isang police colonel noong 2017 at binalaan siya na “your life is in grave danger.”
Dahil dito ay inisip niyang matutulad siya sa mga pinatay gaya nina dating Albuera Mayor Rolando Espinosa at Ozamiz Mayor Reynaldo Parojinog, matapos na maisama sa narcolist ni Duterte.
Matatandaan pa na mismong si Duterte ang nagbabala kay Mabilog sa national TV sa pagsasabing “You would be next.” RNT/JGC