MANILA, Philippines – Nagbabala si DOH Secretary Ted Herbosa na maaaring magtaas ang presyo ng gamot at hospitalization sa bansa dahil sa tumitinding tensyon sa Middle East.
Ayon kay Herbosa, binabantayan ng gobyerno ang sitwasyon dahil posibleng maantala ang pagdating ng imported medicines at medical supplies, na maaaring magdulot ng kakulangan.
“Ang fear namin… ay magmamahal ang gamot, magmamahal ang hospitalization, kawawa ang ating kababayan. Hindi lang yun, baka magka-shortage,” aniya.
Bilang paghahanda, nagsasagawa na ang DOH ng emergency planning at inventory ng mga gamot at supplies.
“Pinapagawan ko ng emergency planning… baka hindi umabot dito ang mga kailangan nating next delivery ng gamot… o kung umabot man baka kagaya ng gasolina na napakamahal.”
Gayunman, nilinaw ni Herbosa na sa ngayon ay wala pang kakulangan, ngunit mahalagang maagapan ang posibleng krisis. RNT/MND