MANILA, Philippines – Iginiit ni Batangas Rep. Gerville Luistro na patuloy na ginagampanan ng House of Representatives ang tungkulin nito sa kabila ng impeachment hearings laban kay Vice President Sara Duterte at ng mga problemang kinakaharap ng bansa tulad ng oil crisis.
“Let us remember that we are fully aware of the problems facing the country… oil prices are rising, the cost of basic goods is increasing,” ani Luistro sa opening speech ng pagdinig.
“Even if there is an impeachment, let us continue with our obligations,” dagdag niya.
Ayon sa kanya, bahagi ng tungkulin ng Kongreso ang pagdinig sa impeachment, habang sabay ding tinutugunan ang iba pang isyu tulad ng inflation, food security, at social services.
Binanggit din niya na nakapagpasa na ang Kamara ng mga panukala para mapababa ang presyo ng langis, kabilang ang pagsuspinde ng excise tax sa petroleum products at pansamantalang pagtigil sa paggamit ng biofuels.
“Governance is a constant balancing act… Even if there is an impeachment, we will continue with our duty,” ani Luistro.
Samantala, may panawagan si Navotas Rep. Toby Tiangco na pabilisin ang proseso ng impeachment, ngunit iginiit ni Luistro na hindi dapat isakripisyo ang due process.
Sinimulan na ng komite ang formal hearings sa dalawang natitirang reklamo kahit wala si Duterte. Naglaan ng upuan para sa kanya ngunit nanatiling bakante ito.
Kinumpirma naman ng kanyang kampo na hindi siya dadalo dahil sa “constitutional objections.”
Ang dalawang natitirang reklamo ay may kaugnayan sa alegasyon ng misuse ng confidential funds, pagbabanta sa mga opisyal, bribery, at iba pang posibleng paglabag sa Konstitusyon. RNT/MND