Home NATIONWIDE Presyo ng ‘Rice-for-All’ muling itinapyasan ng DA

Presyo ng ‘Rice-for-All’ muling itinapyasan ng DA

Ibinababa na ng rice retailers sa Kamuning Market sa Quezon City ang mga bagong hatid na P38 Kadiwa ng Pangulo rice sa kanilang mga stall.Ito ay kasunod ng anunsyo ng Department of Agriculture ng pagpapatupad ng Food Security Emergency sa bigas. DANNY QUERUBIN

MANILA, Philippines – MULING tinapyasan ng Department of Agriculture (DA) ang presyo ng iba’t ibang uri ng bigas na ipinagbibili sa Rice-for-All (RFA) ng KADIWA ng Pangulo at maging ang maximum suggested retail price (MSRP) ng imported na bigas.

Sinabi ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. na simula sa Pebrero 12, araw ng Miyerkules, ang presyo ng bigas sa ilalim ng RFA ay tatapyasin, sumasalamin sa “both a drop in global rice prices and an increase in domestic supply as the local harvest season gets underway.”

Winika ni Tiu Laurel na ang RFA prices ay maaaring bumaba ng P3 kada kilo.

Dahil dito, mula sa nasabing petsa, Pebrero 12, ang RFA5 rice ay magiging P43 kada kilo, RFA25 ay P35, at RFA100 ay P33.

Sa kasalukuyan, ang RFA5—sumasaklaw sa mga bigas na may hindi hihigit sa 5% broken grains—mabibili sa halagang P45 per kilo, RFA25 (25% broken) ay P38 isang kilo, at RFA100 (100% broken) sa halagang P36 kada kilo.

Sinabi ni Tiu Laurel na magpapatuloy ang KADIWA ng Pangulo program na magbigay ng bigas sa halagang P29 per kilo para sa mga vulnerable groups gaya ng senior citizens, persons with disabilities, solo parents, at indibiduwal mula sa indigent sectors.

Muli namang tiniyak ni Tiu Laurel sa mga lokal na magsasaka na ang National Food Authority (NFA) ay bibili ng palay mula sa local farms sa presyong P21–P23 per kilo, pagtiyak na patas ng kompensasyon para sa kanilang ani.

Sinabi nito na ang NFA ay may sapat na pondo para suportahan ang mga magsasaka at panindigan ang mandato nitong rice buffer stock, ngayon ay katumbas ng 15 araw ng ‘national consumption’ sa ilalim ng binagong Rice Tariffication Law.

At upang mas maging matatag ang rice market, sinabi ni Tiu Laurel na ang MSRP para sa imported na bigas at ang saklaw nito na pianalawak sa buong bansa.

Sa kabilang dako, simula sa Pebrero 15, ang MSRP ay ibababa sa P52 per kilo mula sa P55 kada kilo, at mas mababawasan pa hanggang sa maging P49 sa Marso 1.

“This gradual approach aims to mitigate potential market disruptions,” ani Tiu Laurel.

“The price reductions align with global trends in the rice market, as well as President Ferdinand Marcos Jr.’s decision in July to slash rice tariffs from 35% to 15%,” ang winika nito.

Idinagdag pa ni Tiu Laurel na rerepasuhin ng mga economic managers ni Pangulong Marcos sa lalong madaling panahon ang Executive Order 62 para i-assess kung ang taripa sa bigas ay kailangan na i-adjust.

Aniya, mapipilitan lamang siyang irekumenda ang rebisyon ng kasalukuyang tariff level kung ang retail prices ng mga imported na bigas ay guminhawa sa P42-P45 kada kilo range.

Maliban sa bigas, sinabi ni Tiu Laurel na tinitingnan din ng DA ang pagpapatupad ng MSRP sa karne ng baboy upang tugunan ang ‘excessive gap’ sa pagitan ng farm-gate at retail prices. Inilarawan niya ang retail pork prices na P400 per kilo o mas mataas bilang “unreasonable.”

Aniya, ang desisyon kaugnay sa posibleng pagpapataw ng MSRP para sa karne ng baboy sa pagtatapos ng Pebrero at may layunin na sugpuin ang panghuhuthot.

“We are conducting a thorough analysis of the pork value chain,” ang sinabi ni Tiu Laurel sabay sabing “If evidence of profiteering emerges, we will not hesitate to institute an MSRP for pork.”

Sa ngayon, ang farm-gate price ng mga baboy ay nananatuli sa P240–P250 kada kilogram. Kris Jose