Home METRO Pribadong parking space sa pampublikong lansangan ng Maynila pinatatalupan

Pribadong parking space sa pampublikong lansangan ng Maynila pinatatalupan

MANILA, Philippines- Pinaiimbestigahan ng isang konsehal sa Maynila ang umano’y inaprubahang memorandum of agreement (MOA) ng lokal na pamahalaan sa isang pribadong indibidwal upang gamitin nitong personal na “parking space” ang lansangan.

Batay sa inihaing resolusyon ni District 1 Councilor Moises “Bobby” Lim, hiniling nito sa Committee on Ways and Means at sa Committee on Transportation ng Sangguniang Panlungsod na imbestigahan, para sa paglikha ng batas, ang MOA na umano’y pinasok ng lokal na pamahalaan para magamit ang lansangan ng pribadong indibiduwal.

Aniya, sakaling may inaprubahang kasunduan ay taliwas ito sa inilabas na Executive Order No. 7 ni Mayor Honey Lacuna-Pangan na paglikha ng isang inter-agency task force na ang tungkulin ay linisin sa anumang sagabal ang mga pampublikong lansangan at kasuhan ang mga lalabag sa kautusan.

Wala rin aniya siyang matandaang may inaprubahang MOA ang konseho sa pagitan ng lokal na pamahalaan at ng pribadong indibidwal dahil ito aniya ay ilegal.

Nag-ugat ang paghahain ni Councilor Lim ng resolusyon matapos na personal niyang maranasan na masita at mistulang ma-bully ng pribadong indibidwal nang iparada niya ang kanyang sasakyan sa pampublikong lansangan sa Sanchez St. na sakop ng District 2 sa Tondo para dumalo sa isang kaganapan sa Uno High School kamakailan.

Pagbalik ni Lim sa kanyang sasakyan, hindi na siya makaalis dahil hinarangan siya ng isa pang sasakyang pag-aari ng hindi na binanggit na pangalan ng tao na umano’y nanggalaiti sa galit dahil ipinarada niya ang sasakyan sa kanyang parking space.

Sinabi umano ng may-ari ng nakaharang na sasakyan na nakuha na niya sa pamamagitan ng MOA sa lokal na pamahalaan ang parking space ng kalsada kaya’t hindi ito pwedeng paradahan ng ibang sasakyan.

Naayos lang ang gusot at nakaalis sa lugar si Councilor Lim nang mamagitan ang ilang tauhan ng Manila Parking and Traffic Bureau (MTPB). Sa kanyang resolusyon, sinabi ni Lim na hindi lamang sa Sanchez St. may ganitong uri ng parking space na inaangkin na ng pribadong indibidwal kundi sa iba pang mga lansangan sa Maynila na ang ipinagmamarale ay MOA kaya’t nais niya itong ipabusisi upang makalikha ng ordinansa kaugnay nito.

Inaprubahan naman ng lahat ng miyembro ng Sangguniang Panlungsod na pinamumunuan ni Vice Mayor Yul Servo Nieto bilang Presiding Officer ang inihaing resolusyon ni Lim habang itatakda pa kung kailan gaganapin ang pagdinig. JAY Reyes