MANILA, Philippines – Inanunsyo ng Villar Group na napasok na nila ang pinal na kasunduan sa Crystal Bridges Holding Corp. ng Lucio Co Group para sa pagbili ng 100% ng PrimeWater Infrastructure Corp. Ayon sa Villar Group, bibilhin ng Crystal Bridges ang buong operasyon ng PrimeWater sa buong bansa sa pagtatapos ng kasunduan.
Si Lucio Co ang may-ari rin ng Puregold at S&R.
Ang PrimeWater ay nagpapatakbo ng water at wastewater infrastructure projects, kabilang ang joint venture sa mga water district at serbisyo sa septage at wastewater management.
Ginawa ang anunsyo habang iniimbestigahan ang umano’y kakulangan sa serbisyo ng PrimeWater, kasunod ng utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong Mayo.
Ayon kay Senador Raffy Tulfo, 61 local water district ang hindi nasisiyahan sa serbisyo ng kumpanya.
Ayon naman kay PrimeWater president Roberto Fabrique Jr., patuloy silang nakikipag-ugnayan sa mga partner upang maresolba ang mga isyu at iginiit na wala silang nilalabag na patakaran. RNT